Maricel napagalitan ng direktor dahil na-late ng 10 minutes sa shooting; bakit tinawag na bruha ni Dolphy?
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Maricel Soriano
SA limang dekada ng nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano sa mundo ng entertainment industry, ay naranasan na rin daw niyang mapagalitan ng direktor.
Napakarami na raw natutunan ng premyadong aktres sa 50 taon niyang pagiging aktres mula sa mga nakatrabaho niya sa showbiz na hanggang ngayon ay baon-baon pa rin niya.
Pag-alala ni Maria, may pagkakataong naboldyak na rin siya noon ng isang direktor habang nasa shooting ng pelikulang “Galawgaw” na ipinalabas noong 1982 kasama si William Martinez.
Sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment para sa pagpasok niya sa seryeng “Pira-pirasong Paraiso” naikuwento nga ni Maricel ang tungkol dito.
Ang tinutukoy ng seasoned actress ay ang premyadong direktor na si Ishmael Bernal, “May lagnat kasi ako nu’n, pero pumunta ako sa set. Late ako ng 10 minutes.
“Nagalit (si Direk), ‘Di puwede tayo nale-late!’ In-explain niya. Tsaka maganda explanation niya, ‘Kasi yung mga tao uuwi pa iyan. Kayo sasakay na lang sa kotse ninyo. Yung mga crew ang dami pa nilang gagawin. Kaya di ka puwede ma-late,'” pag-alala ni Maria.
Natatawa pang chika ng aktres, “Mabuti nga di ako nabato ng magic flying chair. Yung iba nabato, ako di ako nabato.”
“Gusto niya perfect. Di puwede sa kanya good lang. Kailangan marinig mo, ‘Cut! Perfect! Very good! Thank you,'” aniya pa.
Isa pa sa itinuturing na mentor ni Maria sa showbiz ay ang yumaong Comedy King na si Dolphy na kino-consider din niyang ikalawang ama sa showbiz.
“Si Daddy Dolphy, siyempre siya yung maraming payo. Sabi niya, ‘Magpapakumbaba ka. Wag masyado matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe.’
“‘Tsaka kailangan ko raw maintindihan na, ‘Hindi tatayo ang tao kasi mahihiya. Ikaw na ang magparaya, anak.’ Sabi ko, ‘Ang hirap ng pinagagagawa mo.’ ‘Bruha!’ sabi sa akin ni Daddy. Bruha raw ako! Ha-hahaha!
“Pero nu’ng wala na siya, du’n ko lalo naintindihan yung sinasabi niya,” sabi pa ng aktres.
Matagal na nagkasama sina Maricel at Dolphy sa classic at matagumpay na sitcom noon na “John en Marsha” na umere sa RPN-9 mula 1973 hanggang 1990. Gumanap sila doon bilang mag-ama kung saan nakasama rin nila ang yumaong aktres na si Nida Blanca.
Kaya naman lahat ng natutunan niya sa mga showbiz icon noon ay ipinapasa niya sa mga kabataang artista na nakakatrabaho niya, tulad na lang sa younger cast ng “Pira-pirasong Paraiso.”
Sa solo presscon niya ay sinorpresa siya ng lead stars ng “Pira-pirasong Paraiso” na sina Elisse Joson, Loisa Andalio, Charlie Dizon at Alexa Ilacad.
“Kapag kinakausap ko sila, sinasabi ko, ‘Don’t be intimidated. Iyan tatanggalin niyo kasi makakasira iyan sa acting niyo. Isipin niyo handa kayo lagi. Kaya kahit sino pa iyan, gawin niyo kung anong dapat niyo gawin,'” paalala sa kanila ni Maria.
In fairness, napakapositibo ng pananaw ngayon ni Maria sa lahat ng bagay, “Kasi masaya ako sa kinalalagyan ko ngayon. Happy ako na andito pa ako. Kailangan pa nila ako.”