Target ni Tulfo by Mon Tulfo
PATAY na naman ang turismo sa bansa dahil sa nagaganap na pangho-hostage sa mga turistang taga-Hong Kong at South Korea.
(Nang ang column na ito ay isinusulat kahapon, nasa kasagsagan ang negosasyon sa pagitan ng mga awtoridad at ng hostage-taker na si dismissed Senior Insp. Rolando Mendoza)
Magiging madalang na naman ang pagdagsa ng mga turista sa ating bayan dahil sa masamang balita, lalong lalo na’t ang mga hostages ay taga-ibang bansa.
Karamihan pa naman sa mga turista natin ay mga taga-Japan, China, South Korea at Taiwan.
Siyempre, mawawala nang lubusan ang mga turistang taga-Europa at America dahil sa hostage incident.
Nadala `na kasi ang mga American and European tourists sa ating bansa dahil sa raid ng Dos Palmas resort sa Palawan at Sipadan resort sa Malaysia kung saan nakidnap ang ilang American and European tourists ng mga Abu Sayyaf at dinala sa Mindanao.
Halos walang mga turistang Kano at European nagagawi sa ating bansa maliban doon sa mga dumadalo sa business or professional conferences, o kaya yung mga halang ang bituka gaya ng mga Australians na walang ginawa kundi maglasing.
Unti-unting pinapatay ang ating turismo dahil sa mga kagimbal-gimbal na mga insidente na nangyayari sa ating bayan at nababalita sa ibang bansa.
Huwag tayong magtaka kung titigil na ng lubusan ang pagdating ng mga turista sa ating bansa.
* * *
Nakakapanghinayang ang ating bansa dahil kumpara sa ibang bansa sa Asya, mas maraming di hamak na tourist attractions ang Pilipinas.
Marami tayong magagandang tanawin at mga white sandy beaches kesa ibang bansa sa Asya.
Our people are more friendly and hospitable than other peoples in Asia and even in the whole world.
Sabi pa nga ng isang turistang Kano sa inyong lingkod, “You Filipinos always smile.”
* * *
Kaya’t hindi dapat palampasin si dismissed Chief Insp. Mendoza sa kanyang ginawang pangho-hostage dahil sa masamang epekto nito sa turismo ng bansa.
Hindi ako sang-ayon sa panukala ni Manila Mayor Fred Lim na ibalik sa serbisyo si Mendoza at bigyan siya ng pagkakataon na mapatunayan ang kanyang pagiging inosente sa isang kaso.
Si Mendoza ay dinimis ng Office of the Ombudsman sa reklamo na inabuso niya ang kanyang posisyon bilang Manila police official.
Isang estudyante ng De La Salle University ang nagreklamo na sinubuan siya ng shabu ni Mendoza matapos siyang “plantingan” ng droga.
Nang di makapagbigay ang pobreng estudyante ng perang hinihingi sa kanya ni Mendoza upang siya’y pakawalan, ipinasak diumano ng police major ang shabu sa bibig ng bata. Ito’y upang maging “positive” ang bata kapag sa naeksmen siya sa droga.
Di ba kawalanghiyaan ang ginawang yan ni Mendoza.
Hindi ako naniniwala na gawa-gawa lang ng estudyante ang reklamo niya laban kay Mendoza.
Ano naman ang mahihita ng estudyante at ng kanyang mga magulang na isumbong si Mendoza ?
Sa aking experience, walang ordinaryong mamamayan ang gagawa ng istorya laban sa mga pulis. Takot lang nila!
* * *
I recall that there was a similar incident of “planting” na ginawa ng mga pulis-Maynila sa isang binata na may mga magulang na mayaman.
Ikinulong ng mga pulis ang binata at napakawalan lang nang magbigay ang mga magulang nito ng napakalaking halaga sa mga pulis.
Ang kaso, ang mga nakatanggap ng bribe money ay matataas na opisyal noon ng Manila Police District.
Nagalit ang opisyal ng pulis na utak sa “planting” dahil wala siya ni kosing na natanggap.
Ano ang ginawa ng utak ng pamamamlanting? Hinuli niya uli ang bata at humingi ng pera na para sa kanya lamang.
Hindi na nagbigay ang mga magulang ng binata.
Ilang araw ay natagpuang patay ang binata sa Antipolo.
Gumanti ang mga magulang ng binata. Umupa sila ng mga gunmen.
Papasok ang police officer sa kanyang presinto nang siya’y ambusin ng mga armadong kalalakihan.
Patay ang police officer on the spot.
Bandera, Philippine news at opinion, 082410
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.