Bandera Editorial
TUNAY ngang makatitipid tayo nang malaki kung magkakaroon tayo ng hukbong hubo’t hubad. –Ang mga kapighatian ng isang Intsik, El Filibusterismo, Jose Rizal
ANO’ng kaibahan ng hukbo noon at ngayon? Walang pagkakaiba dahil sila’y hubo’t hubad pa rin. Kung noon ay hindi binibigyan ng uniporme’t bota (mahirap lumaban ng nakayapak dahil kapag nagbabaga na ang init ng kalye’y buhangin ay di na kayang tumuntong sa sariling mga paa ang tagapagtanggol) ang hukbo para lumaban sa kaaway, ngayo’y hindi binibigyan ng tamang gamit ang Armed Forces at National Police para lumaban sa kaaway. Kung di man makipagsabayan ay dapat mas lamang ng hakbang at gamit ang puwersang gobyerno.
Kay tamis ibalik sa alaala noong panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal na meron pa tayong Blue Diamonds fighter jets. Ngayon, wala na ngang jets, wala pang fighter.
Tangke? Di nga maisabak ang mga tangke sa Mindanao dahil mabubutas lamang ito sa RPG at mawawarat sa landmine.
Kung ang mga karatig bansa ng Pilipinas ay gumagamit na ng computer sa gera, tayo’y nananatiling nasa kalkulasyon pa rin.
* * *
Sayang ang mga nalagas
NAKAPANGHIHINAYANG ang walong pulis na nalagas sa ambus ng komunistang New People’s Army sa Catarman, Northern Samar. Kabilang sa mga nalagas ay ang deputy chief, si Senior Insp. Nicasio San Antonio.
Huwag nating sisihin ang intelligence gathering ng National Police dahil ang kalaban ay traydor. Kahit ang magaling na intelligence ng Kano sa Iraq ay naiisahan pa rin sa kabila ng kanilang mga satellite at computer.
Iilang opisyal lamang sa hukbo at pulisya ang may tapang at lakas ng loob na sisihin ang lokal na mga opisyal ng pamahalaan, karamihan sa kanila ay halal ng taumbayan. Pero, hanggang ganoon na lamang at di nabibigyang pansin ng Senado’t Kamara.
Dahil nga sa Senado’t Kamara ay may mga kakampi rin ang NPA.
Sa pambansang gobyerno at sa administrasyon ni P-Noy, hinirang pa nga bilang miyembro ng Gabinete ang matagal nang opisyal ng lalawigang hitik sa bunga ng NPA at di man lang tumulong para pitasin ang mga ito at patayin ang masamang damo.
Bandera, Philippine news at opinion, 082310
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.