Francine nape-pressure sa paglalagay ng label sa ‘relasyon’ nila ni Seth: ‘Huwag po nating madaliin, hayaan po nating ang tadhana ang gumawa’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Francine Diaz at Seth Fedelin
NASA “getting-to-know-each-other” stage pa lang ang relasyon ng Kapamilya young loveteam na sina Seth Fedelin at Francine Diaz.
Inamin nina Francine at Seth sa harap ng ilang members ng entertainment media na nape-pressure rin sila kapag palaging tinatanong kung “sila” na ba at kung nag-level up na ang espesyal nilang pagkakaibigan.
Sa naganap na special screening at mediacon ng bago nilang iWantTFC original series na “Fractured” last Wednesday, muli ngang nausisa ang dalawa tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon.
Sagot ni Francine, “Go with the flow naman po kami, but siguro po, ‘yung kung may pressure kapag tinatanong po kami, medyo po, medyo lang.
“Huwag po nating madaliin. Hayaan po nating ang tadhana ang gumawa no’n. Kung kami po talaga, eh di kami. Kung hindi, it’s fine with us,” pakiusap pa ng young actress.
Pahayag naman ni Seth, “Aminin na natin, maging totoo naman tayo. Araw-araw naman po, siguro, nag-i-improve naman po ‘yung samahan namin.
“Nakikilala ako ni Chin (palayaw ni Francine), nakikilala niya ugali ko, nakikilala ko si Chin, so araw-araw, may progress kami.
“Pero to be honest po, wala pa kami du’n sa iniisip ng marami na ganito-ganito, ganyan-ganyan,” rebelasyon ni Seth.
Nilinaw din ng dalawa na hindi pa sila umaabot sa ligawan level. Pero sey ni Seth, bago raw niya pormahan ang ka-loveteam, una muna niyang susuyuin ang nanay ni Francine.
“Bago siya siguro, ang liligawan ko muna, si tita (mommy ni Francine), ‘yun muna,” hirit pa ni Seth.
Samantala, pagkatapos nga ng tagumpay ng serye nilang “Dirty Linen,” isa na namang pasabog na kwentong nababalot ng misteryo ang pagbibidahan nina Francine at Seth sa “Fractured.”
Isa itong mystery-thriller series kung saan tampok din sina Kaori Oinuma, Jeremiah Lisbo, Daniela Stranner, Raven Rigor, at Sean Tristan at mapapanood na ito nang libre simula September 15 (Biyernes) sa iWantTFC app o website at sa YouTube channel ng iWantTFC. May bagong episode na ipapalabas kada Biyernes ng 8 p.m.
Iikot ang kwento nito sa pitong social media influencers na inimbitahan sa isang mala-paradise na island resort na Bella Vista. Sa kabila ng kanilang online fame, meron din silang mga itinatagong bubog dahil sa kani-kanilang mga masasakit at nakakaawang nakaraan.
Habang nagbabakasyon sila sa resort, gagamitin din nila ito bilang pagkakataon na gumawa ng online content para maging viral at trending. Sa pagsasama-sama nila, may posibilidad din na magkaroon ng mga isyu dahil sa pag-ibig.
Mayayanig ang kanilang masayang bakasyon nang patayin ang isa sa mga kasama nilang influencer. Dahil sa sunod-sunod na trahedya, mapipilitan silang magtulungan para lamang mabuhay, kahit wala silang ideya kung sino sa grupo ang nagpapanggap lang at totoong mamamatay-tao pala.
Sino nga sa kanila ang mamamatay-tao? Ang bakasyon ba ito ang magiging daan para harapin nila ang kanilang mga isyu sa buhay?
Mapapanood din sa “Fractured” sina Jennica Garcia, Mylene Dizon, Kim Rodriguez, KaladKaren, Majoy Apostol, at Vaughn Piczon, sa ilalim ng direksyon ni Thop Nazareno.