Chito Miranda patuloy na nagdarasal para sa kundisyon ni Gab Chee Kee, umaasang tuluyan nang gagaling sa huling chemo session
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Gab Chee Kee at Chito Miranda
PATULOY na nagdarasal ang mga miyembro ng Parokya ni Edgar para sa complete recovery ng kanilang kabanda na si Gab Chee Kee.
Abot-langit ang pasasalamat ng bokalista ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda dahil puro good news na ang natatanggap nila tungkol sa patuloy na bumubuting kundisyon ni Gab.
Matatandaang na-confine ng mahabang panahon ang member ng OPM iconic band dahil sa pneumonia na isa sa mga naging komplikasyon ng pagkakaroon niya ng lymphoma.
Pagbabahagi ni Chito sa interview ng “Updated with Nelson Canlas” podcast, baka raw magla-last session na si Gab sa kanyang chemotherapy.
“Everything looks fine. After ng last chemo, next chemotherapy niya after one-month checkup, maka-back to normal na lahat,” pahayag ni Chito.
Sabi pa ng husband ni Neri Miranda, “Everytime ina-update kami ng girlfriend niya, ng partner niya, ganyan si Gab, sobrang nakakatuwa, sobrang nakakatuwa.”
Sey pa ng isa sa mga coach ng Kapuso reality singing competition na “The Voice Generations”, patuloy ang pagbuti ng kalagayan ni Gab, ngunit humihiling pa rin siya ng panalangin mula sa publiko para sa kaibigan at kabanda.
Mas lalo pa raw mapapanatag ang kanyang kalooban kapag narinig na niya mismo sa mga doktor na okay na okay na talaga si Gab.
Nauna rito, ibinalita ni Chito sa kanyang Instagram page na nakasama na nila sa isang gig si Gab pero aniya may basbas daw iyon ng mga doktor, “Don’t worry, nagpaalam siya sa doctor at may kasama siyang nurse buong time.”
Samantala, nagpasalamat din ang OPM icon sa lahat ng mga tumulong at nagdasal para sa mabilis na paggaling ni Gab.
“Naku sobrang laking bagay kasi talagang without them wala na talaga si Gab ngayon, it’s such a big help na na-overcome niya ‘yon with the grabeng medical expenses nagtulung-tulong lahat,” lahad ni Chito.
Nasabi na noon ni Chito na talagang gumawa sila ng paraan para matulungan si Gab, kabilang na ang pagsasagawa ng fundraising shows.
Bukod dito, nag-auction din si Chito ng ilang memorabilla ng Parokya ni Edgar para makalikom ng pera para sa hospital bills ni Gab.
“Talagang mga ka-bandmates ko they put in so much effort. Hindi lang bandmates ko, bands like Kamikazee, kahit mukhang mga basagulero ‘yong mga ‘yon talagang they made so many gigs all for Gab,” ani Chito.
“We are surrounded by people that care for our band so much, not just Gab for the whole band,” dugtong pa niya.
Sa huling bahagi ng panayam, sinabi ni Chito na kahit puro good news na ang natatanggap nila about Gab ay hindi pa rin maiwasamg mag-alala para sa kanyang kaibigan.