DUMATING kami sa bayan ng Loon sa Bohol ng umaga ng Sabado upang magsagawa ng medical and relief mission.
Ang Loon ang isa sa mga bayan na pinaka-matinding sinalanta ng lindol na may 7.2-magnitude ang lakas.
Halos lahat ng residente ng Loon ay nawalan ng kanilang mga tahanan at natutulog na lang sa labas.
Bumagsak ang mara-ming bahay na sementado sa bayan. Ang iba na di bumagsak ay nakatagilid na o maraming bitak at maaa-ring bumagsak anumang oras.
Ang batong simbahan ng Loon, na itinayo noong 1855, ay bumagsak at walang natitirang tumitindig na dingding na bato.
May nakapagsabi sa akin na mga pito katao ang na-trap sa loob ng simbahan nang ito’y gumuho.
Ang kanilang bangkay ay umaalingasaw na, pero di makuha ang mga ito sa ilalim ng malalaking bato dahil walang heavy equipment.
Nagtayo ang aking grupo ng makeshift clinic para sa konsultasyon at kitchen kung saan kami nagluto sa ilalim ng punong acacia sa town plaza.
Marami kaming na-
bigyan ng gamot na niresetahan ng mga doktor, na kasama sa aming medical and relief mission, at mga taumbayan na pinakain.
Ang mga doktor ay mga taga-Sagipbayan Outreach ng St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Ang ibang miyembro ng grupo ay mga kasamahan ko sa “Isumbong mo kay Tulfo” public service program sa DWIZ.
>>>
Bukod sa amin, ang mga volunteers ng Chu Tzi Buddhists Association ay nakasama namin sa eroplano galing ng Maynila papuntang Tagbilaran City.
Sinabi ng isa sa kanila na magtatayo rin sila ng consultation clinic at makeshift kitchen kinabukasan, Linggo.
Bukod sa amin at mga taga-Chu Tzi, may mga Red Cross volunteers na galing ng Tagbilaran City na tumulong sa amin na mag-dispense ng mga gamot.
May ibang taga-Maynila at Tagbilaran na nakita ko sa town plaza.
Kung may mga taong nag-aalala sa kapakanan ng mga taga-Loon, ay siya ring kabaligtaran ng mga local officials doon.
Wala akong nakitang anino ng mayor, vice mayor, isa sa mga councilors at kahit na barangay captain sa plaza upang tingnan ang kapakanan ng kanilang mga constituents.
Sinabi ng isang residente na di nagpapakita ang mga local officials sa taumbayan mula noong lindol.
Wala rin akong nakitang unipormadong pulis nang kami ay dumating sa plaza. Kung hindi ko pa tinawagan ang Camp Crame upang ireport ang kawalan ng pulis sa plaza ay di sisipot ang mga ito.
Humingi kasi ang in-yong lingkod ng mga pulis para sa crowd control. Ibig naming maiwasan ang nangyari sa ibang bahagi ng Bohol kung saan ay nag-away ang mga taong nakalinya sa pagkain dahil sa kagutuman.
Dahil sa mga pulis na nagbantay habang nagbibigay kami ng pagkain, walang nangyaring gulo sa mga taong naglilinya.
Di rin namin nakita ang mga anino ng local officials sa public hospital na pinuntahan ng aming mga doktor upang ialay nila ang kanilang tulong.
Nakita namin na nasa labas ng ospital at sa ilalim ng mga punongkahoy ang mga pasyente na nasa higaan.
Umalis kami ng Loon na magdidilim at di na kami makakapagsilbi sa mga tao dahil walang kuryente.
Isang oras naming biniyahe ng malaking bangka ang Loon galing ng bayan ng Panglao.
Dalawang oras at kalahati ang biniyahe namin galing ng Loon pabalik ng Panglao dahil umulan ng pagkalakas-lakas at di makita ng “kapitan” ng bangka ang kanyang dinadaanan.
Basang-basa at nangangatog sa ginaw kaming lahat, pero masayang-masaya kami.
Sulit ang aming pagod at hirap dahil sa nakatulong kami sa mga taong nangangailan ng tulong.
Ang sarap ng pakiramdam ng nakakatulong sa mga taong nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.