Sylvia Sanchez nanawagan sa mga magulang na sobrang mag-push sa mga anak; ‘Senior High’ ni Andrea eye opener sa isyu ng pambu-bully
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Sylvia Sanchez at ang cast members ng ‘Senior High’
HINIKAYAT at nanawagan ang award-winning actress na si Sylvia Sanchez sa lahat ng magulang na panoorin at tutukan ang pinakabagong drama series ng ABS-CBN, ang “Senior High.”
Sigurado raw maraming makaka-relate at mapupulot na aral ang bawat miyembro ng pamilya sa kuwento ng “Senior High” na pinagbibidahan din nina Andrea Brillantes, Kyle Echarri, Elijah Canlas, Zaijian Jaranilla, Juan Karlos Labajo, Gela Atayde at Xyriel Manabat.
“Isa lang ang masasabi ko, ito ‘yung dapat at napapanahong teleserye sa oras na ito para sa millennials at Gen Z, na mga nabu-bully at nababastos, sa mga anak din na kaya rin nagkakaroon ng mental problems, hindi ba?
“Nagkakaroon sila ng problema, ang dami talaga. Alam natin na marami ang nagpapakamatay, kasi minsan, sa tingin ko, kaya gusto ko itong panoorin ng mga magulang, iyong sobrang pag-push sa mga anak, na hindi naman kaya ng anak, pero sumusunod ang mga anak.
“Kaya minsan, iyon iyong nagiging dahilan, nakakalungkot, kaya karapat-dapat itong serye na ito,” pahayag ni Sylvia na gumaganap na lady guard sa “Senior High” na isa sa magiging susi para malantad ang katotohanan sa kuwento.
Napapanood na ngayon sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN ang “Senior High”, tuwing 9:30 p.m. at base sa unang tatlong episode na napanood namin sa celebrity screening at mediacon sa Trinoma, Cinema 7, tama nga si Ibyang sa pagsasabing isang eye opener ang serye sa mga tunay na nangyayari sa pamilya at eskwelahan.
Puring-puri rin ni Sylvia ang mga kasamahan niya sa serye, “Sa Dreamscape at ABS CBN, another na naman na teleserye na napakaganda, I’m sure, kaya sabi ko nga, tatayo itong teleserye na ito, dahil bukod sa magagaling ang cast dito, ang ganda ng istorya.
“At naniniwala po ako lagi na kapag maganda iyong materyal, su-shoot-up iyong show,” aniya.
Tungkol naman sa kanyang karakter bilang sekyu, “Pineg (peg) ko talaga na maiba ‘yung lakad, ‘yung galaw, ‘yung tiyan, lahat! Wala pong make-up, kaya ang lalim ng mata. Ha-hahaha!”
Ang pinakasentro ng kuwento ng “Senior High” ay tatalakay sa mental health. Isa itong mystery-thriller series na bibigyang diin ang ilang mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga kabataan ngayon tulad ng suicide, bullying, at peer pressure, lalung-lalo na sa eskuwelahan.
Magsisimula ang kuwento ng “Senior High” sa kambal na sina Luna at Sky (Andrea). Ibang-iba ang kanilang personalidad dahil si Luna ay matalino at pabibo, habang si Sky naman ay may hinanakit sa kanilang nanay na si Tanya (Angel Aquino) dahil ang lola niya ang nagpalaki sa kanya ng mag-isa.
Mag-iiba ang buhay ni Sky nang mag-enroll din siya sa eskwelahan nina Luna, ang prestihiyosong Northford High. Dito niya makikilala ang iba’t ibang grupo ng mga estudyante at isa na rito ang grupo ng mga mayamang bully na magkapatid na sina Archie (Elijah) at Z (Daniela Stranner), ang boyfriend ni Z na si Gino (Juan Karlos), at isa pa nilang kaibigang si Poch (Miggy Jimenez).
Sa kabilang banda, tila mababait na mga estudyante pero may kanya-kanyang lihim pala na itinatago. Nariyan ang misteryosong si Obet (Kyle) at ang mag-jowang sina Tim (Zaijian) at Roxy (Xyriel).
Mayayanig ang kanilang mundo nang ma-dead on the spot si Luna matapos mahulog sa isang balcony. Palalabasin nilang suicide ang nangyari, pero malakas ang kutob ni Sky na may tumulak sa kanyang kapatid kaya gagawin niya ang lahat para lumabas ang katotohanan.
Suicide ba talaga ang nangyari kay Luna? Ano-ano ang mga kababalaghan at sikreto ng mga estudyante?
Ang “Senior High” ay mula sa direksiyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay, ang mga direktor ng patok na revenge series na “Dirty Linen.”
Handog ng ABS-CBN Entertainment at iWantTFC ang isang Dreamscape Entertainment production, tampok din dito sina Tommy Alejandrino, Gela Atayde, Baron Geisler, Mon Confiado, Desiree Del Valle, Kean Cipriano, Ana Abad Santos, Gerald Madrid, Inka Magnaye, Angeli Bayani, Ryan Eigenmann, Rans Rifol, Rap Robes, Kakki Teodoro, at Floyd Tena.