TV Patrol, Frontline Pilipinas nakiramay sa pagpanaw ni Mike Enriquez, pag-alala ni Kabayan Noli: ‘Matagal-tagal din kaming naging magkaibigan’
BUKOD sa mga taga-GMA 7, partikular na sa mga bumubuo ng “24 Oras“, nagpaabot din ng pakikiramay ang mga news anchor ng katapat nitong programa sa ABS-CBN na “TV Patrol” sa pagpanaw ni Mike Enriquez.
Makalipas lamang ang ilang sandali, matapos kumpirmahin sa “24 Oras” ang pagpanaw ng veteran broadcaster na si Mike Enriquez, nagpahatid din ng mensahe ang buong production ng “TV Patrol.”
Dito, ibinalita rin nina Noli de Castro, Bernadette Sembrano at Henry Omaga-Diaz ang pamamaalam ni Mike. Si Kabayan Noli ang unang nagsalita kasabay ng pagpatay sa background music.
View this post on Instagram
“Nakikiramay po ang TV Patrol at ABS-CBN sa pamilya ni Mike Enriquez,” ang pahayag ni Noli.
Pahayag naman ni Henry, “Isa na namang malungkot na balita sa isang haligi ng pamamahayag sa ating bansa.”
Nakiramay din sa mga naulila ni Mike si Bernadette, “Condolence po sa lahat ng mga Kapuso, especially mga Kapuso.”
Bago magtapos ang “TV Patrol”, binalikan ni Noli ang naging magandang pagsasama nila ni Mike kahit pa magkalaban ang kanilang mga news program.
Baka Bet Mo: Netizens ‘umalma’ kay Noli De Castro: ‘What’s wrong with you? Ano ang kinalaman nila Maine at Arjo sa bagyo?’
“Nakikiramay po kami sa pamilya, Kapuso…matagal-tagal din kaming naging magkaibigan ni Mike.
“Lagi kaming nagkakasabay sa mga live (coverage), mga live, sa Quiapo…basta may malalaking live, nagkakasabay kami, nu’ng may prangkisa pa tayo,” sabi pa ni Noli na ang tinutukoy ay ang nawalang franchise ng ABS-CBN.
View this post on Instagram
Samantala, pati sa news program ng TV5 na “Frontline Pilipinas” ay ibinalita rin ang pagkamatay ni Mike. Ayon sa anchor ng programang si Julius Babao, wala pa silang natatanggap na mga detalye sa pagpanaw ng veteran broadcaster.
“Pero bago yan, sumailalim muna sa heart bypass surgery at kidney operation si Mike Enriquez. Nakikiramay po ang Frontline Pilipinas at ang buong News5 sa naiwang pamilya ni Ginoong Mike Enriquez,” ani Julius.
Kanina, sa ulat ng “24 Oras”, kinumpirma ni Mel Tiangco ang pagpanaw ni Mike na matagal niyang nakasama sa nasabing programa. Naiyak pa nga si Tita Mel sa pagsisimula ng kanyang pagbabalita.
Ramdam din sa mga co-anchor nilang sina Emil Sumangil at Vicky Morales ang lubos na kalunglutan sa pagkawala ng kanilang katrabaho at kaibigan.
Balitang pumanaw na si Mike Enriquez…fake news: ‘Buhay na buhay pa ‘ko’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.