Sharon, Gabby hindi magkasama sa rehearsal at pictorial ng kanilang reunion project, magkagulatan na lang daw sa mismong concert
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Gabby Concepcion at Sharon Cuneta
MUKHANG hindi pa rin magtagpo ang mga schedule ni Megastar Sharon Cuneta at ng dati niyang asawang si Gabby Concepcion.
Balita kasing hindi sila nagkikita sa rehearsals ng kanilang upcoming concert na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa darating na Oktubre 27.
Isa ito sa napagkuwentuhan nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Ate Mrena sa kanilang “Showbiz Update” YouTube channel na in-upload nitong Linggo ng 5 p.m..
Bungad ni Mama Loi, “Totoo ba ‘Nay (Ogie) na hindi raw nagkikita sina Sharon at Gabby sa pictorial, sa rehearsal?”
Tugon naman ni Ogie, “’Yun din ang nabalitaan ko, oo. Siguro ano sila parang strategy nila ‘yun na parang doon na lang sila magkikita sa MOA kapag nag-rehearse na siguro sila.
“Kasi may nakausap akong taga-production ng concert nila na hindi nga raw nagkikita sina Gabby at Sharon. Parang doon na lang (magkita) sa concert magkikita, siguro bahagi ito ng kanilang istratehiya. E, abangan natin kapag nagkakitaan sila, e, magkagulatan na lang,” sabi ni Ogie.
“Huh? Paano magugulat?” nagtakang tanong ni Mama Loi. Birong sagot ni Ogie, “Ay p*ke!”
Samantala, kailan lang namin nasulat dito sa BANDERA na sumasakit ang ulo ni Shawie dahil sa mga humihingi ng complimentary tickets ng concert nila ni Gabby dahil nga limitado lang ang ibinigay sa kanila ng producer.
Hmmmm, kasama kaya sa sakit ng ulo ng Megastar na hindi magtagpo ang schedule nila ni Gabby para sa rehearsals at pictorial?
Kanya-kanyang rehearsal at pictorial sila at saka pagdidikitin na lang ang kanilang mga larawan na gamit ang makabagong teknolohiya?
Bigla tuloy naming tiningnan ang poster ng “Dear Heart” at parang solo-solong pictorial sila at pinagtabi na lang dahil napansin naming malayo ang distansiya ng pagkakaupo nina Gabby at Sharon.
Oh well, sabi nga ni Ogie baka may sarili silang strategy.
At pagdating sa rehearsal ay sa mismong araw ng show ay saka lang nila ire-rehearse ang dueto nila kung mayroon man.
For sure naman ay bukal naman sa loob nilang magsama sa iisang concert dahil pagkalipas ng maraming taon at matutuloy na nga ang pagsasama nila sa isang stage sa Oktubre 27.
Ang dami pa namang kapwa nila celebrities na nagsabing ang saya-saya at manonood sila.
Oo naman dahil sila ang sikat noong nagsimula na kaming manood ng Tagalog movies at gusto rin sana naming manood kaso hindi afford ang presyo. Ha-hahaha!