Gina Alajar nag-dialogue ng ‘watch and learn’ habang idinidirek ni Ricky Davao: ‘Ang galing naman pala! Yung mga presong kaeksena niya bilib na bilib!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Edgar Allan Guzman, Gina Alajar at Ricky Davao
NAPAKASARAP talagang kachikahan sa mga presscon ang mga veteran at award-winning stars dahil marami kang matututunan at mapupulot na life lessons sa kanila.
Tulad na lang ng mga premyadong aktor at direktor na rin ngayon na sina Gina Alajar at Ricky Davao na kapag kausap namin ay hindi ka magsasawa dahil sa dami ng kanilang kuwento about their experiences sa showbiz.
Sa tagal na nila sa entertainment industry ay ilang beses na silang nagkatrabaho, at in fairness, wala silang masasabing masama tungkol sa isa’t isa dahil bukod sa parehong magaling ay nag-uumapaw pa ang kanilang professionalism.
At ngayon nga ay muli silang nabigyan ng chance na muling magkasama sa isang proyekto at yan ay sa “Karnabal” na ididirek ni Adolf Alix, Jr..
Sa storycon ng pelikula last August 10 ay natanong sina Gina at Ricky kung nakikiaalam sila sa direktor kapag sila ang umaarte. Unang sumagot ang veteran actress, “Nase-separate ko naman. Pag artista ako, artista lang ako. ‘Bahala siya diyan!’ Kaya nga ako nag-artista, ayoko ng sakit ng ulo.
“Kasi ang direktor, siya ang nakakaalam ng lahat. Parang siya ang solusyon sa lahat ng problema ng movie making, or even ng directing for television ng mga drama.
“So ngayon, pag artista ako, artista lang ako. Yun nga lang, nagtatanong ako kung papaano ba, ano ang gagawin ko dito? Yung ganu’n,” paliwanag ni Direk Gina.
Pagbabahagi naman ni Direk Ricky, “Nu’ng first time akong nakapagdirek, MMK yon, very first time kong magdirek. After that, nagbago na ang pananaw ko, ang tingin ko sa isang direktor.
“Kahit na direktor na hindi ko nagustuhan ang pelikula, nandoon ang respeto ko sa kanila. Kasi, ang hirap maging direktor. Para mabuo mo ang isang proyekto, may beginning, may middle, may end. May sasabihin yung pelikula.
“Ang hirap. Napakahirap. Kapag pinapanood mo na, madali kang magsabi, ‘Sana, ganito!’ ‘Sana, ganu’n!’ Pero during the shoot, iba ang concentration mo.
“Saka hindi tayo katulad ng Hollywood na they have the luxury of sitting down, yung script reading muna with the writers hanggang maaprubahan yan.
“And then babasahin all over, and then reading with the actors. And then may changes. Siguro pag narinig na ng actors yan, magbabago uli. We don’t have that luxury,” litanya ng premyadong aktor.
Aniya pa, “So, talagang grabe ang respeto ko sa direktor. Although artista pa lang ako, matanong na akong aktor. ‘Papaano ‘to, Direk? Paano ang gagawin ko?’
“Ma-suggest din ako. ‘Direk, can I do this?’ Ganu’n. As yung character ko. Yun yung ginagawa ko. May experience nga ako, idinidirek ko si Direk Gina Alajar, e. Dinidirek ko siya,” sabi pa ni Ricky na ikinahagalpak ni Gina.
Patuloy ni Direk Ricky, “Sabi ko, ‘Sige na! Eto ha, ipasok mo dito, ganito, ha?!’ Nanginginig pa ako. ‘Eto, ganito, Gina!’
“Sabi ni Direk Gina Alajar, ‘Direk Ricky, watch and learn.’ ‘Ha?’ ‘Watch…’ ‘Okay, kapag ready na si Direk Gina, tawagan niyo ako. Take tayo.’ In fairness naman… 5, 4, 3, 2, action! Nanonood ako, ‘Action! Camera 1, Camera 2… ‘Ahhhh!’ Okay, Cut!
“Ang galing naman pala! Ano naman pala, may ‘K’ magsabi ng ‘Watch and learn!’” pag-alala pa ni Ricky.
Paliwanag naman ni Direk Gina, biruan lamang nila ni Direk Ricky ang pagsasabi ng “Watch and learn!”
“Niloloko lang kita nu’n. Sa taping ng Magpakailanman iyon naganap,” sey ng aktres.
Naalala pang bigla ni Direk Ricky, “Yung mga preso, ‘Ang galing ni Gina Alajar, Direk Ricky!’”
Sabi uli ng aktres, “Kasi, joke namin yan, e. Joke namin yung ‘watch and learn.’ Kasi nag-umpisa yan kay Lino Brocka. Sasabihin sa iyo, ‘O, umiyak ka, pero yung tears, gusto ko, sa kaliwa tutulo.’
“Or yung tears mo, sa kanan tutulo. Totoo yan. Kasi, yan ang instructions ni Lino Brocka. Kasi, kaya niya sinasabi nang ganun, dahil andito ang ilaw. Alangan namang dito ka umiyak, wala kang ilaw, sayang ang tears mo. Walang ningning.
“So ngayon, kapag magkasama kami, minsan telesine, nagpupustahan kami. ‘May iiyak. O, saan mo papatuluin? Kaliwa o kanan?’ Sasabihin ko sa kanya, ‘Kanan.’ Tapos nu’n, iiyak naman ako sa kanan. Sasabihin niya, ‘Yabang!’
“Anyway, hindi pa kami direktor nu’n. Telesine pa ni Tita Midz (Armida Siguion-Reyna) yun. So, nagdirek na kami ngayon. Joke pa rin yon!
“Kaya nung binibigyan niya ako ng instructions, para sa ‘kin, ‘Huwag na, mapapagod ka lang.’ Parang ganun lang ako. Huwag mo na akong bigyan ng instructions, kasi alam ko naman kung ano ang gusto mo. Parang yun ang nasa isip ko.
“Kaya ang sabi ko, ‘Watch and learn ka na lang!’ In-exagg niya at saka gustung-gusto niyang ikuwento yun. Paulit-ulit na lang! Gusto niya ano, gusto niyang dikdikin ako na ganun! Na ginawa ko sa kanya yun. But I love this guy. I love this guy.
“Siya naman, kapag dinidirek ko naman siya, he gives it all. Yung ganyan. Sasabihin ko lang, ‘Okay na, hindi na kita ididirek. Kasi alam mo yung gagawin mo.’ Yun,” chika pa ni Gina.
Kasama rin sa “Karnabal” sina Edgar Allan Guzman, Jaclyn Jose, Joel Saracho at Shaira Diaz.