Janine Gutierrez nasabihan ng ‘hanggang diyan lang ang magagawa mong role dahil sa itsura mo’; John Arcilla humirit ng ‘Dirty Linen’ season 2
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
John Arcilla, Zanjoe Marudo, Janine Gutierrez at Christian Bables
NGAYON pa lang ay nagre-request na ang mga manonood na sana’y magkaroon ng season 2 ang palaging trending na Kapamilya serye na “Dirty Linen“.
In fairness, talagang gabi-gabi itong inaabangan ng madlang pipol dahil talaga namang nakakaadik ang kuwento nito na bawat episode ay laging may pasabog na twists and turns.
Simula nga nang ipalabas ito sa iba’t ibang Kapamilya platforms, ay hindi na ito binitiwan ng viewers na hindi naman kataka-kata dahil bukod nga sa napakaganda ng pagkakabuo ng istorya at kabilib-bilib din ang acting ng powerhouse cast.
Kaya sa nalalapit na pagtatapos, inaabangan na ng mga manonood ang huling linggo nito na masasaksihan ang walang katapusang ganitihan na mauuwi sa patayan ng dalawang pamilya nina Alexa (Janine Gutierrez) at Aidan (Zanjoe Marudo).
Sa finale presscon ng “Dirty Linen” last Wednesday, aminado ang mga bida na maging sila’y saludo sa pagkakalatag at pagkakalahad ng istorya ng serye.
Matagal na nilang natapos kunan ang mga eksena kaya naman after two months off ay ngayon lang muli sila nagkasama-sama para sa finale presscon.
“Sobrang surreal, parang throwback doon sa storycon. Parang ang bilis ng pangyayari na ngayon finale na ang inihahandog natin and hanggang ngayon surreal pa rin na naging parte ako ng ganitong klaseng level ng cast.
“Kasi hanggang ngayon todo ang pasasalamat ko sa Dreamscape na talagang napasali ako sa ‘Dirty Linen,’” ang emosyonal na pahayag ni Janine.
Aniya pa, dream come true ang pagganap niya bilang bida-kontrabida sa serye dahil napatunayan niya na kayang-kaya niyang gumanap ng karakter na napakaraming layers ang dapat ipakita.
“Dati kasi may nagsasabi sa akin na hanggang diyan lang, hindi ka pwedeng mag-play ng ganyang role kasi mestiza ka. Sabi nila, hanggang yan lang ang magagawa mo dahil sa itsura mo.
“So, I’m very grateful na napagkatiwalaan ako ng ganu’ng character sa Dirty Linen, kasi ito talaga yung gusto ko, yung lumalaban, hindi one sided. Hindi mo alam kung kakampihan mo siya, magagalit o maaawa ka,” ani Janine.
Sey naman ni Janice, “Mahirap nang ulitin ito. This is as I said, everybody keep saying the word powerhouse cast basta maraming cast. Pero ito nararamdaman mo talaga na talagang powerhouse siya, nararamdaman mo sa pader tumatagos (ang galing).”
“Well, gusto kong maulit and sana sundan pa ng marami na,” sey naman ni John Arcilla na umaasang magkakaroon ng season 2 ang kanilang teleserye.
“Bukod sa…wala sana akong ma-offend kasi may nagsasabi na parang binago raw niya ang standard ng mga teleserye, so, parang feeling ko mas maganda sana kung naging game changer siya masundan pa o malampasan pa,” aniya.
Natanong naman si Zanjoe kung napapanood din niya ang kanilang serye na malapit nang magtapos, “Oo naman nasusundan ko lagi. Siguro pinapanood ko siya bilang part ng show and bilang isang audience rin na nahu-hook sa story ng ‘Dirty Linen.’
“Actually, ang inaabangan ko sa ‘Dirty Linen’ ay iyong ‘Abangan.’ Kasi kahit sobrang bilis ng mukha ni Kuya John sa screen parang, ow! Tapos sunod na naman ang ibang illusion ng mukha niya, ang galing, ang galing lang.
“Kahit alam na natin ang nangyari, kahit alam na namin ang ginawa roon sa istorya siyempre excited pa rin ako kung paano in-edit kasi noong ginawa naman namin ito walang music.
“So kudos doon sa musical talagang kakaiba. Lalong gumaling ang mga artista dahil sa music na nadagdagan lalo sa ganda sa performance,” sey pa ni Zanjoe.
Sa finale week ng “Dirty Linen”, malalagay sa alanganin ang buhay ng mga karakter dahil itotodo na ni Carlos (John) ang kanyang kahibangan bilang nag-iisang “hari” ng pamilya Fiero matapos niyang malaman na sa kanya lang ipinamana ang milyon-milyong pera at ari-arian ng buong pamilya.
Babawian naman ni Alexa at ng kanyang mga kasabwat na sina Rolando (Joel Torre), Max (Christian Bables), at Lala (Jennica Garcia) ang pamilya Fiero dahil mapipilitan silang gumawa na rin ng karahasan para mapaamin ang mga ito sa patong-patong nilang krimen, kabilang na ang matagal nang palaisipan kung sino nga ba ang totoong pumatay kay Olivia (Dolly De Leon), ang kabit ni Carlos at nanay ng half-sisters na sina Alexa at Chiara (Francine Diaz).
Ipinasilip din sa makapigil-hiningang finale teaser ang tila pagkamatay ng ilang mga karakter. Magugulantang din si Aidan sa sunod-sunod na matitinding rebelasyon at ang paglitaw ng mga baho ng sarili niyang pamilya.
Makakamit na ba ni Alexa ang hustisya laban sa mga Fiero? Sino-sino ang mananatiling buhay pagkatapos ng lahat ng ito?
Kaya huwag palampasin ang pasabog na finale ng “Dirty Linen” sa Agosto 25 (Biyernes) ng 9:30 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.