Anak ni Angelica Jones gustong makita ang ama: ‘Mom, masama ba akong anak? Hindi ba siya proud sa akin? Hindi ba niya ako mahal?’
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Angelica Jones
SA edad na 10 taon ay hinahanap ni Angelo Timothy Benedict Alday ang kanyang ama sa nanay nitong si Angelica Jones, Laguna Provincial Board member ng 3rd district.
Sa mga importanteng okasyon ng bata tulad ng kanyang kaarawan at pagtatapos ng klase at tatanggap ng maraming medalya ay hinahanap nito ang pagbati ng ama bakit hindi siya kinikilala.
Kaya ang tanong daw ni Angelo sa ina, “Mom, masama ba akong anak? Mommy hindi naman pera ang gusto ko, eh, ang gusto ko kilalanin ako bilang anak. Hindi ba proud sa akin ang totoong daddy ko? Hindi ba niya ako mahal?”
Pagpapatuloy ni Angelica na isa na rin ngayong businesswoman, “Matalino ang anak ko, marami siyang medal at kinukuwento niay na binu-bully siya. Sabi (raw) sa kanya, ‘oo nga matalino ka may medal ka dami mong sabit wala ka namang tatay. Nanay mo busy.”
At emosyonal na sabi nito, “Masakit ‘yun para sa anak ko na nakikita niya ‘yung mga friends niya na or classmates niya may tatay. Ako hindi ako naghahabol matagal na akong naka-move on kaya ko.
“Pero para sa anak, masakit pala na makita ko ‘yung anak ko na humahagulgol, durog na durog. Masakit sabihin sa isang anak sa nanay na ‘kasalanan mo kaya wala akong tatay!’ Ginusto ko ba na walang tatay ang anak ko?” aniya.
Balik-tanaw ni Angelica, dalawang buwan pa lang silang mag-boyfriend/girlfriend ng ama ng anak ay nabuntis na siya pero dusa na ang inabot nito dahil hindi na inako ang ipinagbubuntis niya at napilitan siyang magmakaawa.
Hanggang sa makapanganak siya ay dedma pa rin ang ama kaya minabuting ipa-DNA test ang bata at doon napatunayang anak ni Dr. Gerald Alday si Angelo at naging masaya raw ito at niyayang pakasal kaagad si Angelica.
Pero hindi ito tinanggap ni Angelica, “Hindi ganu’n kadali kasi may pain pa, nasaktan ako, so hayaan mo munang mag-heal bago mo ako yayaing makipagbalikan.
“Hindi kami ikinasal kasi unang desisyon ko muna nu’ng umiyak ako sa kanya at nagmamakaawa ako, sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na siya babalikan dahil mentally, emotionally, ‘yung pangalan ko nagka-damage because of him,” sabi pa ng dating aktres.
At kaya nagsasalita ngayon si Angelica sa panayam niya sa vlog ni Morly Alinio, ay para sa rights ng anak niyang si Angelo.
“Hindi ako naghahabol ng financial support kundi moral support o love as a father sa anak. Puwede naman (kami) maging civil di ba, maraming naghihiwalay (magkarelasyon) na magkaibigan para sa anak.
“Ilang birthday na ng anak ko (wala ang ama), 10 years. Ilang sabit na ang anak ko 8 years na sinasabitan ng medals, ang daming awards, nanalo sa timpalak, public speaking, nanalo sa pagkanta, sa TikTok, lahat hakot awards na siya, eh. Sobrang talented nu’ng bata.
“Mahirap bang sabihin ng (isang ama) sa anak na, ‘Congratulations anak! Happy birthday anak! Kumusta ka na anak?’ Ni isang beses wala!” aniya pa.
Saka inamin ng aktres na nagtangka ang kanyang anak na saktan ang sarili, “’Yung anak ko nag-attempt mag suicide, he takes the pills bago ako um-attend ng presscon.
“Nu’ng tinanong ako ni Gorgy (Rula) hindi ako nagpapa-interview ng ilang years. Tahimik akong tao kaya nawawala ako. Kaya nu’ng kinumusta ako ni Gorgy, pati yung anak ko, kumusta na ang tatay ng anak ko, hindi ko napigilang umiyak kasi two days before the presscon nag-attempt ng suicide ang anak ko.
“Nag-take ng pills ang anak ko kaya pala sabi ng sister-in-law ko namumutla raw si Angelo, nasusuka, tapos, minonitor muna namin siya ng isang araw (hospital) tapos tinawagan kami para lumabas lahat ‘yung tineyk niya at may ininom naman siyang gamot para mawala ‘yung anuman sa katawan niya at nilagnat din ang anak ko.
“He feel hopeless, umiiyak siya sa akin ng alas-tres ng madaling araw sa dibdib ko na kailan daw siya tatanggapin ng tatay niya,” nangingilid ang luhang kuwento ni Angelica.
Dagdag pa, “Paano naman kasing hindi masasaktan tito Morly ini-stalk niya (Angelo) ang tatay niya sa Facebook. Proud na proud siya sa mga anak niya okay lang ‘yun kasi tatlo anak niya sa iba-ibang nanay tapos sa kanya (Angelo) hindi man lang siya ma-congrats.
“Nagme-message siya sa daddy niya sa messenger hindi siya nirereplyan. Binigay ko ‘yung number ng dad niya, tine-text niya hindi siya nirereplyan, binlock pa siya sa phone.
“Paulit-ulit kong sinasabi sa anak ko na hindi mo na kailangan ng tatay nandito naman ako, nadito naman si Mama Beth (lola), nandito naman kam,” sabi pa.
Pati ang pagpirma raw sa bagong birth certificate ng anak ni Dr. Gerald Alday ay hindi rin umano pinagbigyan.
Hindi raw makalabas ng bansa si Angelo dahil wala pa itong pasaporte dahil ang birth certificate na pinirmahan ng ama 5 years ago ay nasa Taguig (Municipal Civil Registry Office) at panahon ng pandemya kaya nawala raw ‘yung mga documents.
“So ang advice ng St. Lukes (hospital) kailangan ng affidavit of loss para sa bagong birth certificate kailangan ng pirma ng daddy para mai-file na.
“Kaya kami nagpunta ni Angelo (sa ama), ang ginawa ni Angelo nagpa-pogi at nagpraktis kung ano ang sasabihin kasi excited siyang mayakap ng ama at ‘yung wife nito pero ang nangyari hindi kami hinarap at hindi rin pinirmahan ang papel,” diretsong sabi nito.
Sa anong dahilan bakit nagsasalita ngayon si Angelica? “Kaya ako nagsasalita ngayon kasi nakikita ko na nasasaktan si Angelo na hindi binibigyan ng pagpapahalaga (ng tatay niya). Hindi naman ako naghahabol, yung anak ko ang naghahabol.
“Kaya ako nagsasalita dahil ‘yung rights ng anak ko, nasasaktan ako kapag nakikita kong umiiyak ang anak ko at ang pinakamasakit ay ‘yung nag suicide attempt ang anak ko. At kung natuluyan ang anak ko, ipakukulong ko talaga siya, hindi ko siya mapapatawad,” paliwanag nito.
Sa tingin ba ni Angelica ay maaari siyang balikan naman ni Dr. Gerald Alday dahil sa mga pinagsasabi niya? “Hindi niya ako maaaring kasuhan dahil may mga ebidensiya ako at hindi ako ang kalaban niya kundi ang anak niya.”
Bukas ang BANDERA sa panig ni Dr. Gerald Alday tungkol sa isyung ito.