Aiko ginagamit ng mga online scammer: ‘Wag po sana ninyong linlangin ang mga tao para lang makabenta’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Aiko Melendez
BINIGYAN ng warning ng aktres at public servant na si Aiko Melendez ang publiko laban sa mga online scammer na gumagamit sa kanyang pangalan at mga litrato sa social media.
Agad na nagbabala ang Kapuso actress at konsehala sa Quezon City sa lahat ng kanyang followers sa Facebook at iba pang social media platforms na huwag agad magtitiwala sa mga nababasa at napapanood sa Internet.
Ayon kay Aiko, napakaraming sindikato ngayon sa socmed na walang ginawa kundi ang gumamit ng mga celebrities at iba pang kilalang personalidad para makapanloko ng tao.
At isa nga raw siya sa mga ginagamit ngayon ng mga online scammer sa pamamagitan ng paglalabas ng mga fake advertisements, lalo na sa Facebook.
Sabi ng public servant sa kanyang FB page, “Hindi po ako endorser or gumamit po kailan man ng produktong ito. Wag po sana ninyo linlangin ang mga tao para lang makabenta po.
“Me video pa po kayong ginamit na hawak ko ang produkto nyo na pawang inedit nyo po,” pambubuking ng award-winning actress sa modus ng nasabing scammer.
Patuloy pa niya, “Sa mga nakakabasa po nito sana maging maingat po tayo at wag basta basta bumili ng produkto nila na hindi tayo nakakasiguro sa epekto sa inyong kalusugan.
“Again hindi ako nag eendorso ng produkto nyo po. Isa itong scam po.Paki share na lang po para mag ingat ang mga tao po,” paalala pa ni Aiko sa madlang pipol.
* * *
Pag-ibig sa gitna ng mga hamon sa buhay ang sisibol sa pagitan nina Carlo Aquino at Charlie Dizon sa pelikulang “Third World Romance” na mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa simula Agosto 16.
Gagampanan ni Charlie ang papel ni Britney, ang prangkang kahera sa isang supermarket kung saan makakatrabaho niya ang bagger na si Alvin, ang karakter naman ni Carlo.
Mabubuo ang malalim na pagkakaibigan ng dalawa at pagnanais maging masaya nang magkasama sa kabila ng mga problema sa buhay. Ngunit haharap si Britney sa pagsubok na magtutulak sa kanyang mamili sa pagitan ng kanyang pamilya at sariling kaligayan.
Manaig kaya ang damdamin nina Alvin at Britney para sa isa’t isa sa mundo kung saan mahal maging masaya?
“Yung mensahe ng movie namin, mahirap man maging masaya pero hangga’t may kasama ka na dadamay sa’yo magiging magaan ang buhay,” ani Charlie.
Samantala, inilarawan ni Carlo ang kanyang karakter na laid-back lang pero marunong pa rin lumaban kapag kinailangan. Sabi niya, “Laid-back siguro sa buhay. Chill lang siya pero lumalaban pa rin sa buhay.”
Ang “Third World Romance” ay mula sa direksyon ni Dwein Ruedas Baltazar, ang movie director ng “Oda sa Wala” at “Hello Stranger: The Movie.” Co-production ito ng Black Sheep at Anima.
Sa tanong kung gaano kahalaga ang hugot ng raket sa pelikula, sinabi ni Direk Dwein na doon nakasentro ang kwento nito. “Mahalaga kasi ang raket ‘survival’ siya. Nakasentro dun ang conflict ng istorya, kung paano sila mabubuhay araw-araw,” aniya.
“Ifo-front natin ang pag-ibig habang dini-discuss ang social issues, trabaho, at iba pang bagay na kinakaharap ng ordinaryong mamamayan,” dagdag pa ni Direk Dwein.
Mapapanood din sa pelikula sina Ana Abad Santos, Gardo Versoza, Arachie Adamos, Iyah Mina, Esnyr Ranollo, Xilhouette, Brian Black, Lady Morgana, at Junjun Quintana.
Bago ang theatrical release nito, itatampok ang “Third World Romance” bilang closing film ng Cinemalaya 2023.