‘Showtime’ ilang beses nang binigyan ng warning ng MTRCB dahil sa mga violation; Lala Sotto nanindigan para kina Tito Sen at Helen Gamboa
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Lala Sotto, Tito Sotto at Helen Gamboa
“WALA pong dahilan para ipatawag ang E.A.T. dahil hindi po sila deserving to a notice to appear. Ang binigyan namin nito ay ang programang It’s Showtime.”
Iyan ang malumanay pero may diing sabi ni Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio.
Nakapanayam nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika si Chair Lala sa programang “Cristy Ferminute” kaninang tanghali sa Radyo5 92.3 TRUE FM at napag-usapan nga nila ang isyung bumabalot sa dalawang noontime show.
Komento kasi ng netizens, naging unfair daw ang hepe ng MTRCB dahil bakit sina Vice Ganda at Ion Perez lang ang pinag-report sa opisina nila gayung may ginawa rin daw “kahalayan” ang mga magulang niyang sina dating Senate President Tito Sotto at Ms. Helen Gamboa.
Bukod sa netizens ay may vlogger ding nagpapansin na pilit na dinidikdik si Chair Lala na dapat ipatawag din daw nito ang magulang sa ginawa ng mga ito on national TV noong Sabado, Hulyo 29.
Base sa mga kumalat na viral videos nina Tito Sen at Ms. Helen ay nakitang hinalikan ng una malapit sa labi ang kanyang maybahay at hinalikan din sa leeg.
Kaya natanong si Chair Lala ni ‘Nay Cristy “Ano ang damdamin ng isang anak na tulad mo nu’ng makita mo ang daddy mo at mommy mo na nagbibiruan ng lambingan sa E.A.T., punto de vista ng anak.”
“Alam n’yo po lumaki kasi akong ganu’n na halos araw-araw ng buhay naming magkakapatid ganu’n po talaga ang aming mga magulang maski sa telebisyon, maski saan. Mula pa po noong bata kami.
“They have been married for 55 years now at tulad po ng sinasabi ko ‘yung mga lambingan nila na ganyan ay simula pa nu’ng may show sila (binanggit isa-isa).
“All through the years ginagawa po talaga nila ‘yan at wala namang naging problema kasi in fact ito po ay isa pa ring ehemplo ng mag-asawa,” paliwanag ng ikalawang anak sa apat na magkakapatid nina Tito Sen at Ms. Helen.
Natanong din ni ‘Nay Cristy ang tungkol sa vlogger na nangangalampag daw kay Ms. Lala na unfair ang ginawa nito sa “It’s Showtime,” dapat kasama rin ang E.A.T..
Clueless naman ang MTRCB Chairperson, “Wala po akong alam na vlogger, ano po ‘yun?”
Isa lang ang ibig sabihin nito, hindi nakarating o hindi pinansin ng opisina ng MTRCB ang pagsawsaw ng nasabing vlogger tungkol sa isyu.
“Nanay hindi ko po alam kung sino ‘yung tinutukoy n’yo ha? Pero para po kasi sa akin nagsimula po ang problemang ito dahil po mula rin ito sa monitoring inspection unit namin which is ‘yung naging paglabag sa Presidential Decree No. 1986 ng programang Showtime.
“Nakarating din po sa amin na may konting mga reklamo na nagsasabing ako raw po ay unfair o hindi patas dahil hindi ko raw ipinapatawag ang E.A.T.. Wala pong dahilan para ipatawag ang E.A.T. dahil hindi po sila deserving to a notice to appear,” sabi ng pinuno ng MTRCB.
Malinaw na nagkaroon daw ng paglabag ang nasabing programa ng Kapamilya network dahil may mga batang naroon mismo sa show nang maganap ang umano’y “indescent acts” nina Vice Ganda at Ion Perez.
Bukod sa pisikal na naroon ang mga bata sa show ay napapanood din ito sa national TV ng mga bata sa kanilang mga bahay na hindi naman lahat ay nababatantayan ng magulang.
Hindi rin daw basta gagawa ng desisyon ang MTRCB kung isa, dalawa o tatlo lang ang nagrereklamo dahil ibinabase rin nila ito sa monitoring team.
“Ganito po ‘yun, ang MTRCB is a quasi judicial body. We are also a national government agency.
“Ibig sabihin mayroon kaming sariling due process. Hindi naman porke’t may isang nag-complain ay bibigyan ng katotohanan na kaagad ito. Ito ay mayroong complaints mechanism sa aming ahensiya which is I recently just fixed.
“We established a complaint mechanism na ibig sabihin ay kung paano hina-handle ang complains, mayroon kaming sariling sistema because we are to follow a due process.
“So, halimbawa meron kaming natanggap na complain kailangan pang i-assess at i-verify ng aming monitoring inspection unit dahil hindi naman po basta magko-complain lang ay ibig sabihin may katotohanan na o may paglabag na.
“Pagkatapos i-verify ang aming MIU (monitoring inspection unit) ay magkakaron ng assessment and they will refer this to the office of the Chairman na makakarating po sa akin.
“Pagkatapos ko pong basahin ay ito po ay ididirek ko sa aming legal affairs division at pagkatapos ay mapupunta ito sa adjudication committee if it’s 12thdeserve to a notice hear or redialogue with the producers not the host (or) not the artists (but) the producers of the shows or even movies then saka sila bibigyan ng notice to appear signed by me,” detalyadong paliwanag ni Chair Lala.
Dagdag pa, “Nanay and Romel, we act on complaints but we need informations and kailangan din nating i-practise ang spirit of fairness.”
Nabanggit pang lubos na naiintindihan ni Chair Lala ang mga supporters ng “Showtime” kung ipinagtatanggol nila ang programa dahil siya man ay lumaki sa isang noontime show, ang “Eat Bulaga” na dating programa nina Tito, Vic & Joey bago sila lumipat sa TV5.
Nakiusap siyang ‘wag naman sanang sasama ang loob ng supporters dahil naging mahaba rin naman ang pisi nila. Ilang beses na palang napadalhan ng notice ang “It’s Showtime.”
“Kung alam n’yo lang, ilang notices na po ang aming ipinadala sa kanila (It’s Showtime), nakailang warning na rin sila dahil sa mga violations nila sa lengguwahe na paulit-ulit po ‘yun.
“Hindi naman namin sila binigyan ng notice to appear para diyan because like I’ve said, I’ve been very tolerant, I’ve been very understanding and patient ngunit binibigyan sila ng warning and turn warning, ito po (recent indescent act) hindi na puwedeng palampasin. Magalit na kung sino ang magagalit,” paliwanag mabuti ng pinuno ng MTRCB.
Samantala, bukas ang BANDERA sa panig ng “It’s Showtime” producers tungkol sa ipinaliwanag ni Chairperson Lala Sotto-Antonio sa naging dahilan kung bakit sila napatawag sa MTRCB office.