Umani ng sandamakmak na likes at comments ang ipinost na video ni Ryan Agoncillo sa kanyang Instagram account kung saan makikita ang ilang bonding moments nila ni Juday kasama ang mga anak.
Base sa mga latest post ng celebrity couple sa kanilang social media accounts, nasa New Zealand ang Agoncillo family para sa ilang araw na pagbabakasyon.
At isa nga sa mga ginawa nila roon ay ang magtungo sa isang theme park para mas maging unforgettable ang kanilang vacation, lalo na ng kanilang mga anak.
Pinusuan ng mga netizens ang video na ibinahagi ni Ryan sa IG kung saan makikitang umiiyak si Luna dahil hindi siya pinayagang makapag-zipline.
Maririnig si Ryan na kinakausap ang bunsong anak at tinatanong kung bakit ito umiiyak. Sagot ng bagets, “Because I can’t go on a zipline.”
Sabi naman sa kanya ni Ryan, “That’s all right baba. There’s nothing wrong with you. It’s just that they didn’t have little girls in mind. It means you’re too brave.”
Naintindihan naman ni Luna ang sinabi sa kanya ng ama at unti-unti na itong tumigil sa pag-iyak. Nang sabihin ni Ryan na ita-try nila ang sky swing ay agad namang umoo ang bata.
Sey pa ni Ryan, bumilib din siya sa tapang ni Luna dahil kung ang ibang bata raw ay natatakot at ayaw sumakay ng mga kakaibang rides, iba naman ang trip ni Luna.
“Ito baligtad, eh. ‘Yung anak ko hindi umiyak dahil pinilit mag-ride eh. Umiyak kasi hindi pwede. That’s all right my love. You’re a brave girl,” sabi pa ni Ryan kay Luna.
Bukod kay Luna, kasama rin nina Juday at Ryan ang mga anak na sina Yohan at Lucho sa kanilang New Zealand vacation.