Marco wala pang balak mag-propose kay Cristine kahit siya na ang ‘the one’, Cesar nagprisintang best man sa kasal
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Marco Gumabao, Cristine Reyes at Cesar Montano
KAHIT super in love ngayon ang celebrity couple na sina Cristine Reyes at Marco Gumabao, mukhang wala pa silang balak magpakasal at bumuo ng sarili nilang pamilya.
Kitang-kita sa awra, tinginan at titigan ng magdyowa na mahal na mahal nila ang isa’t isa at pareho rin silang blooming and glowing tanda ng pagiging super in love.
Nakachikahan namin sina Cristine at Marco sa ginanap na advanced screening at presscon ng latest project nila together sa TV5, ang TV remake ng classic Vilma Santos movie na “Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan”.
Ipinalabas ito noong 1983 kung saan nakasama rin ni Ate Vi sina Christopher de Leon at Eddie Garcia na bibigyang-buhay nga nina Cristine, Marco Gumabao at Cesar Montano.
Ayon kay Cristine, ine-enjoy lang nila ni Marco ang kanilang relasyon at wala pa sa top priorities nila ngayon ang pagpapakasal.
Nang tanungin naman si Marco kung handa na siyang mag-propose kay Cristine tulad ng ginawa ng kanyang karakter sa “Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan”, mabilis na sagot niya, “Oo naman!”
“Ilang taon na akong single, laging tinatanong sa akin ng press, ‘Bakit ka single, bakit ayaw mong mag-girlfriend?’ Eh, kasi hindi pa `yon ang time ko. Hinihintay ko pa ang right one,” pahayag ni Marco na may pa-disclaimer naman agad na wala pang magaganap na proposal tulad ng ginawa niya sa serye.
Nagbiro naman ang co-star nina Cristine at Marco na si Cesar na payag na payag siyang maging best man sa kasal ng magdyowa. Willing din siyang maging “ninong” hangga’t magkakasama pa rin silang tatlo.
Samantala, super thankful si Cristine sa Viva Entertainment dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanya at sa magagandang projects na ibinibigay sa kanya sa loob ng napakaraming taon.
Isa na nga rito ang remake ng 80s classic love story na “Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan” na mapapanood sa TV5 produced by Sari Sari Network Inc. in collaboration with VIVA Entertainment.
Siguradong tututukan ng Kapatid viewers ang kwento ni Helen (Cristine) at ang pagkahati ng kanyang puso sa dalawa niyang mahal: si Rod (Marco), ang dati niyang kasintahan na iniwan siyang lito at sawi; at si Cenon (Cesar), isang nakatatandang ginoo na paiibigin siyang muli.
Ang kwento ay iikot sa pag-ibig at paghihiganti na mag-iiwan ng katanungan sa mga manonood – kaninong pag-ibig ang magtatagumpay sa huli?
Napanood na namin ang pilot week ng serye at masasabi naming hindi naman nagpahuli sa aktingan sina Cristine, Marco at Cesar sa original stars ng pelikula na sina Vilma, Boyet at Manoy Eddie.
In fairness, nakaka-hook ang serye at simula pa lang ay nagpakilig na sina Cristine at Marco bilang mga estudyanteng nangangarap na maging architect at engineer hanggang sa magkainlaban at naging magdyowa.
Pero ang rebelasyon, kinakiligan din ng mga dumalo sa special screening ng serye ang tambalan nina Cristine at Cesar.
Natanong si Cristine tungkol sa tandem nila ni Cesar sa “Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan” na una ngang gumanap bilang mag-ama sa “Maid in Malacañang” at “Martyr Or Murderer”.
“It’s always an honor to work with him. Noon, we did movies, but now, teleserye, which is more demanding to do. We know award-winning actor and director siya, so dapat lang mag-level up at galingan ko nang husto.
“To think wala kaming workshop dito at all. Just look test then nag-taping na kami. But it’s always good to work with someone who’s an expert in his craft kasi you are compelled to give your best,” sey ng aktres.
Mapapanood na ang “Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan” simula July 25, Lunes hanggang Biyernes, 4:40 p.m. sa TV5 at 8 p.m. sa SARI SARI Channel.
Kasama rin sa serye sina Mickie Ferriols, Lito Pimentel, Felix Roco, Lara Morena, Suzette Ranillo, Abby Bautista, Keegan de Jesus at Mayton Eugenio, mula sa direksyon nina Jerome Pobocan at Tots Sanchez.