PUNUNG-PUNO ng emosyon ang inihandang bridal shower ng mga Dabarkads para sa kanilang bride-to-be na si Maine Mendoza.
Sa episode ng “E.A.T.” ngayong araw, July 22, ay nagpaandar ang buong dabarkads ng pa-surpresa para sa tinaguriang “Yaya Dub” ng Pilipinas.
Nagsimula ito sa paghahanap nila kung sino ang ikakasal na una ay inakalang si Ryzza Mae Dizon na napunta kay Miles Ocampo. Nang pabulaanan ay si Ice Seguerra naman ang tinanong. Maging si Allan K ay hindi rin nakaligtas ngunit sa huli ay ipinakilala rin ang bride to be na si “Maine cutie”.
Naglabasan nga ang larawan ng soon-to-be wifey ni Congressman Arjo Atayde sa screen pagkatapos ay makikitang sumasayaw ito sa hall ng studio.
Bago ang kanyang entrance sa studio ay hinagisan siya ng flowers ng mga dancers at pagkatapos ay nilagyan siya ng headband at sash na may nakasulat na “bride to be” pagkatapos ay pinaupo sa upuang nasa gitna.
“Hayan na ang bride reveal, si Maine Cutie. Bridal shower ng aking suki na soon to be ay magiging misis na,” sey ni Ryzza aka Miss Tapsi.
Kinantahan si Yaya Dub ni Joey Generoso ng “Got to Believe in Magic” na sinundan naman ni Carren Eistrup ng kantang “Sway”.
Kapansin-pansin naman ang pag-iyak ni Maine nang kantahan siya ni Ice ng “Yellow” na awitin ng Coldplay.
Habang kumakanta ay kitang-kita ang saya ni Ice para sa kaibigan at sinabi pa niyang mahal niya ito at ng buong dabarkads.
Baka Bet Mo: Promise ni Arjo kapag ikinasal na sila ni Maine: ‘She is definitely my priority, my family then Congress’
Matapos ang kantahan ay nagpasalamat si Maine sa lahat ng taong naging bahagi ng kanyang bridal shower.
“Maraming salamat, Miss Tapsi, couz Joey, Ice and Carren. Thank you Ninong Vic, Ninong Tito, Ninong Joey. Maraming salamat din dun sa mga Dabarkads na nandito ngayon,” saad niya.
“Alam kong masaya kayo para sa tatahakin kong journey as a wife—wow, wife era. Thank you, thank you!” pagpapatuloy pa ni Maine.
Ngunit mas lalo pang naging emosyonal ang hatid na bridal shower para sa nag-iisang Yaya Dub nang magbigay na ng mensahe at regalo ang mga Dabarkads sa kasamahan.
Present rin sa bridal shower ang kapwa July bride ni Maine na si Maja Salvador at ang iba pa niyang kaibigan sa showbiz.
Isang video message naman ang alay ng TVJ para sa kanilang inaanak.
“Dear Maine, Sino ang mag-aakala na ang batang lumaki sa Sta. Maria, Bulacan ay dadalhin pala sa daang hindi niya inaasahan na nag-aabang sa kanya? Sino ang mag-aakala na ang simpleng Yaya na una naming kilala ay puno pala ng sorpresa at galing na talaga namang kahanga-hanga?
“Sino ang mag-aakala na ang iyong ngiti ay magbubukas ng kuwentong magpapasaya sa mundo? Minsan mong sinabing hindi ka prepared sa mga nangyari, hindi ka na-orient. Pero handa ang tadhana para sa yo. Dinala ka nito kung saan ka nararapat. Hindi naging madali. Hindi laging malinaw ang daan.
Baka Bet Mo: Maine Mendoza, Arjo Atayde ikakasal sa July 28, bakit nga ba ‘yan ang napiling petsa?
“Pero sa gitna ng lahat, natagpuan mo kung sino ka at kung sinong para sa ‘yo. Sa pagkakataong ito, alam naming ready ka na sa pinapangarap mong kuwentong iyong-iyo. Handa ka na sa simula ng iyong habang panahon. Best wishes mula sa aming lahat, ang Dabarkads mo. 1-4-3-4-4.”
Tuluyan na ngang naiyak si Maine maging ang iba pang legit Dabarkads sa pagtatapos ng video.
“Kukunin ko lang po itong pagkakataon na ito, gusto ko pong mag-thank sa inyong lahat—Bossing, Boss Joey, Tito Sen, Ma’am Allan, Ice, mga Dabarkads.
“Kasi, sobrang blessed ko na dito ako dinala ng Lord, parang hanggang ngayon hindi pa rin po ako makapaniwala na nandito po ako, na deserving po ako maging Dabarkads,” pagpapasalamat ni Maine.
Dagdag pa niya, “Pero sa araw-araw po na kasama ko kayo, lagi po niyong ipinaparamdam sa akin na parte po ako dito. Maraming salamat po. Alam ko po na masayang-masaya po kayo para sa akin at mahal na mahal niyo po ako, at ramdam na ramdam ko po yun. Thank you po. Maraming salamat.”
“Maine, ang wish namin sa iyo, happiness and love sa bago mong tatahakin sa buhay. Alam naming habang buhay magiging espesyal sa yo si Yaya Dub, pero ngayon dun muna tayo sa pagpapatuloy ng iyong kuwento. Nandito pa rin kami para samahan ka sa bagong chapter ng iyong buhay,” wika ni Tito Sen.
Samantala, inihabilin naman ni Vic ang inaanak sa mapapangasawa nito.
“Ikaw muna ang bahala kay Maine… Cong. [Arjo], alagaan mong mabuti ang Dabarkads namin,” sabi ni Vic.
Maging si Joey ay hindi mapigilang maging emosyonal sa pagbibigay mensahe.
“Kahit anuman ang mangyari, mahal ka namin. 1-4-3-4-4. Love you,” saad ni Joey kay Maine.
Sa huli ay nagsigawan ang lahat ng “Mabuhay ang ikakasal!”
Related Chika:
Maine Mendoza sa ‘Eat Bulaga’ contestant: Huwag nating ipasa sa bata ang responsibilidad
Alden Richards nagsalita na sa isyu nila ni Maine Mendoza