Nikki de Moura mula Cagayan de Oro City waging Miss Grand Philippines 2023 | Bandera

Nikki de Moura mula Cagayan de Oro City waging Miss Grand Philippines 2023

Armin P. Adina - July 14, 2023 - 02:05 AM

Nikki de Moura mula Cagayan de Oro City waging Miss Grand Philippines 2023
PASAN na ngayon ni Nikki de Moura mula Cagayan de Oro City ang tungkuling maibigay sa Pilipinas ang una nitong “golden crown” makaraan siyang makoronahan bilang Miss Grand Philippines 2023 sa pagtatapos ng kumpetisyong itinanghal sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Hulyo 13.

Dinaig niya ang 29 iba pang kalahok upang manahin ang titulo mula kay Roberta Tamondong, fifth runner-up sa 2022 Miss Grand International pageant. Nasaksihan din ni reigning Miss Grand International Isabella Menin mula Brazil ang pagkorona sa bagong reyna bilang opisyal na kinatawan ng bansa sa ika-11 edisyon ng pandaigdigang patimpalak ngayong taon.

Dalawang titleholders pa ang hinirang sa pambansang patimpalak. Kinoronahan bilang Reina Hispanoamericana Filipinas si Michelle Arceo mula Bagumbayan, Quezon City, na tatangkaing maitala ang ikalawang panalo ng Pilipinas sa 2023 Reina Hispanoamericana pageant sa Bolivia. Miss Philippines Tourism naman si Herlene Budol mula Angono, Rizal.

Isa nang beterana ng mga pambansa at pandaigdigang patimpalak si Arceo, na dalawang ulit na sumali sa Miss World Philippines pageant, na itinatanghal din ng ALV Pageant Circle na organizer ng Miss Grand Philippines contest. Noong 2021, kinoronahan siya bilang kauna-unahang Miss Environment Philippines na nagdala sa kanya sa unang edisyon ng Miss Environment International pageant sa India noong 2022 kung saan siya hinirang bilang Miss Ecology International dahil sa pagtatapos sa ikalawang puwesto. First runner-up din siya sa 2022 Century Superbods contest.

Kinoronahan nang Miss Teen Philippines noong 2019 si De Moura sa gulang na 15 taon. Noong 2021, sa gulang na 17 taon, sumali siya sa Asia-wide na reality modeling competition na “Supermodel Me” kung saan siya nagtapos bilang first runner-up.

Baka Bet Mo: LIST: Miss Grand Philippines 2023 candidates na pasok sa Top 10

Ilang pambansang patimpalak na ang sinalihan ni Tampon bago natalaga bilang unang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Elite pageant. Sumali siya sa pandaigdigang patimpalak noong 2022 sa Egypt at hinirang bilang first runner-up.

Si Budol ang bida sa seryeng panghapon na “Magandang Dilag” sa GMA. Sumali na siya sa Binibining Pilipinas pageant noong 2022 at nagtapos bilang first runner-up. Nang makuha ng manager niya ang lisensya para sa Miss Planet International pageant, itinalaga siya bilang kinatawan ng Pilipinas at lumipad na sa Uganda para sa pandaigdigang patimpalak. Ngunit dahil sa ilang bulilyaso sa pagsasagawa ng kumpetisyon, nagpasya ang team niya na iurong ang pagsali niya.

Itinanghal naman bilang Miss Grand Eco Teen si Francine Reyes mula sa Tarlac.

Nagtapos naman bilang first runner-up si Shanon Tampon mula Caloocan City, habang second runner-up si Charie Manalo Sergio mula Caluya, Antique.

Ang kasalukuyang Miss Grand Philippines pageant ng ALV Pageant Circle ang ikalawang hiwalay na pambansang patimpalak na pumipili sa kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International contest. Noong 2014 isinagawa ang unang kumpetisyon, na itinanghal ng yumaong pageant mentor at organizer na si John Dela Vega.

Wala pang Pilipinang nagwawagi sa Miss Grand International pageant. Pinakamataas nang puwesto para sa Pilipinas ang first runner-up, na naitala ng mga reyna ng Bb. Pilipinas na sina Nicole Cordoves (2016) at Samantha Bernardo (2020).

Ilang reyna ng Bb. Pilipinas pa ang nakapasok sa Top 5—sina Ali Forbes noong 2013, Parul Shah noong 2015, at Elizabeth Clenci noong 2017.

Itatanghal ang 2023 Miss Grand International pageant sa Vietnam sa Oktubre.

Related Chika:
Herlene Budol pasok sa Top 15 finalists ng Miss Grand Philippines 2023, iba pang kandidata pinangalanan

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Brazil waging Miss Grand International; Bb. Pilipinas Roberta Tamondong umabot sa Top 20

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending