Transgender model pambato ng Netherlands sa 72nd Miss Universe pageant | Bandera

Transgender model pambato ng Netherlands sa 72nd Miss Universe pageant

Armin Adina - July 10, 2023 - 11:46 AM

ISA pang transgender woman ang muling makasasali sa Miss Universe pageant makaraang gumawa ng kasaysayan para sa trans visibility si Angela Ponce mula Espanya noong 2018.

Hinirang bilang Miss Netherlands ang transgender model na si Rikkie Valerie Kolle noong Hulyo 8 (Hulyo 9 sa Maynila) at siyang magiging kinatawan ng nasabing bansa sa ika-72 edisyon ng Miss Universe na itatanghal sa El Salvador.

Dinaig ng taga-Amsterdam na si Kolle, 22 taong gulang, ang walong iba pang kalahok upang manahin ang titulo mula kay Ona Moody na nagwagi noong isang taon. Siya ang unang babaeng transgender na nakasungkit sa korona.

“The finalist shined throughout the show, and has also made the greatest progress along the way,” nakasaad umano sa jury report, ayon sa Facebook post ng Miss Nederland pageant makaraang magwagi si Kolle.

“She has an iron strong story with a clear mission. The jury is convinced that the organization will enjoy working with this young woman,” pagpapatuloy pa ng national pageant organization sa Facebook post nito.

Kahit mahigit isang dekada na mula nang pahintulutan ng Miss Universe Organization (MUO) ang pagsali ng mga babaeng transgender, si Ponce pa lang ang unang nakasungkit sa isang pambansang titulo at nakatuntong sa pandaigdigang entablado.

Noong 2012, nakasali na ang transgender model na si Jenna Talackova sa 2012 Miss Universe Canada pageant, at nagtapos sa Top 20. Noong 2021 naman, kinoronahan bilang Miss Nevada USA ang transgender Filipino-American model na si Kataluna Enriquez na lumaban sa Miss USA pageant.

Sinabi ni Miss Universe Philippines (MUPH) National Director Shamcey Supsup-Lee sa isang naunang panayam na pahihintulutan niya ang pagsali ng mga aplikanteng transgender sa pambansang patimpalak “as long as they have legal documents to prove they are now female and they already underwent gender reassignment.”

Baka Bet Mo: Kaladkaren emosyonal sa pagiging unang trans newscaster sa Pinas: ‘Sana mapanood ito ng mga batang katulad ko’

Ngunit dahil wala pang batas na kumikilala sa isinabubuhay na kasarian ng mga transgender Pilipinas, tila walang halaga ang sinambit na pahayag ni Lee. Gayunpaman, dalawa nang Miss Universe Philippines titleholders ang nagladlad bilang kasapi ng LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual, and others) community.

Ibinahagi ni Beatrice Luigi Gomez ang kuwento ng mahaba niyang relasyon sa isang kapwa babae nang sumali siya sa ikalawang edisyon ng pambansang patimpalak noong 2021. Nasungkit niya ang titulo, at kalaunan ay nagtapos sa Top 5 ng ika-70 Miss Universe pageant na itinanghal sa Israel.

Inamin din ni reigning Miss Universe Philippines Michelle Marquez Dee sa isang panayam ng isang magasin na nilathala noong Mayo na isa siyang bisexual. Nagladlad siya makaraang may kumalat na mga larawan online na nagpapakita ng masculine gender expression, at ilan pa ipinakikitang malapit siya sa isang babae.

“This is a phase in my life that I’ve worked to keep in the past just because I feel that it doesn’t represent who I am now—the short hair, the sense of style, ‘nene’ look, all of that. When I decided to rebrand myself entering college, I had already archived all of that,” sinabi niya sa panayam.

“I want to come out with this story because I know that those photos were spread with malicious intent…when somebody takes away your story, then you should take control of that narrative. Turn it around and make it an empowering story,” pagpapatuloy pa ni Dee.

Lalaban sina Dee at Kolle sa 2023 Miss Universe pageant kung saan kokoronahan ng Filipino-American na si R’Bonney Gabriel ang magiging tagapagmana ng pandaigdigang titulo niya.

Isang transgender woman ang kasalukuyang may-ari ng MUO, ang Thai media mogul na si Anne Jakapong Jakrajutatip, na nakabili sa buong organisasyon noong 2022.

Related Chika:

Robi Domingo, Samantha Bernardo nagkuwento tungkol sa pagiging engaged

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Paulo gaganap sanang transgender sa pelikula pero hindi natuloy: Sayang talaga!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending