Sharon nagpaalala sa mahihilig ‘magpabalot’ sa party: ‘Kung kayo po ay naimbitahan, maghintay muna hanggang nakakain na ang lahat ng bisita’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Alden Richards at Sharon Cuneta
KAALIW ang naging paalala ng nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta sa lahat ng mga dumadalo sa mga party at iba pang mahahalagang okasyon.
Naging “themesong” na kasi ng mga Pinoy na nagte-take out o nagpapabalot ng mga natirang pagkain sa mga pinupuntahang events ang isa sa mga hit classic ni Ate Shawie.
Ang tinutukoy namin ay ang kanyang 1985 blockbuster movie na “Bituing Walang Ningning” kung saan gumanap siya bilang si Dorina Pineda.
Nakasama niya rito ang yumaong award-winning actress na si Cherie Gil kung saan sumikat ang kanyang dialogue na, “You’re nothing but a second-rate trying hard copycat!”
At bukod nga riyan, sikat na sikat din ang lyrics sa kantang “Bituin Walang Ningning” na, “Balutin mo ako sa liwanag ng iyong pagmamahal.” Na ang tinutukoy nga ay ang pagpapabalot o pag-uuwi ng mga bisita ng sobrang pagkain sa mga party.
Sa isang guest appearance niya kamakailan, sinabi ni Sharon na aware siya sa mga viral “balutin mo ako…” meme sa social media at tuwang-tuwa raw siya kapag nakakakita o nakakapanood nito.
“Kasi minsan may buffet, nagugulat ako bakit may picture ako doon. May ekis pa. Parang ‘No Parking.’ Bawal magbalot!” natatawang chika ni Mega.
Nagbigay pa ng mensahe ang movie at TV icon sa lahat ng mahilig magpabalot at magpa-take out ng pagkain sa party.
“Paalala lang po. Kung kayo po ay naimbitahan, maghintay po muna hanggang nakakain na ang lahat ng bisita bago maglabas ng mga lalagyan. Nakakahiya naman po,” birong sey pa ni Ate Shawie .
Sa pilot airing ng bagong noontime show ng iconic trio na sina Tito, Vic & Joey sa TV5, ang “E.A.T.” naging special guest si Sharon kung saan kinanta uli niya ang “Bituing Walang Ningning” at nagpaalala na naman sa mga bisitang mahilig magpabalot.
Habang kumakanta si Mega ipinakita naman ang mga original Dabarkads na sina Jose Manalo at Wally Bayola na nagte-take out ng pagkain mula sa buffet na nakahain sa TV5 studio.
Kasunod nito, kumalat na nga sa socmed ang mga meme nina Sharon, Jose at Wally na kinaaliwan ng mga netizens.
Busy ngayon si Sharon sa shooting ng pelikula nila ni Alden Richards na “A Mother And A Son’s Story” with Tonton Gutierrez and Miles Ocampo under Cineko Productions.
Ito ay mula sa direksyon ni Nuel Naval at sa panulat ni Mel del Rosario.