Si Michael V ba ang nagdedesisyon kung sinu-sino ang tsutsugihin at idadagdag sa ‘Bubble Gang’?
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ang cast members ng ‘BBLGANG’
WALANG kinalaman ang Kapuso comedy genius na si Michael V sa pagkakatanggal ng ilang co-stars niya sa longest-running gag show sa bansa na “Bubble Gang.”
Ngayong gabi, 6 p.m. na magsisimula ang bagong version ng programa sa GMA 7 na pinagbibidahan pa rin ni Bitoy, kasama sina Paolo Contis, Betong Sumaya, Chariz Solomon, Analyn Barro at Kokoy de Santos.
Iniwan na ng programa ang Friday timeslot makalipas ang 28 years at simula nga ngayong araw ay tuwing Linggo na ito mapapanood sa bagong titulo niyong BBLGANG.
Makakasama rin nila ang bagong pasok na mga Kababol na sina Buboy Villar at Chesca Fausto, ang pumalit sa mga natanggal na cast members na sina Valeen Montenegro, Sef Cadayona, Archie Alemanya at Faye Lorenzo.
Sabi ni Bitoy nang matanong tungkol sa nangyaring “dagdag-bawas” sa show, “Maliit lang naman ang mundong ginagalawan.”
“Even yung mga dating cast namin, there was a time na we made it a point na mag-guest ng graduates like sila Rufa Mae Quinto, Ara Mina…it’s going to happen. It’s inevitable.”
Sey pa ni Bitoy, management decision ang pagbabago sa kanilang show at hindi raw siya ang nagsasabi kung sinu-sino sa cast ang dapat palitan. Nagsasagawa rin daw ng research at survey ang network sa iba’t ibang programa.
Sabi naman ni Paolo, sa kahit ano namang TV show ay hindi maiiwasan ang magkaroon ng mga pagbabago, hindi rin daw nila ito kontrolado bilang mga artista.
“Ever since naman naabutan ko na yung mga nagga-graduate, yun ang term natin, mga nagga-graduate na Bubble Gangers. But it doesn’t necessarily mean na they will not come back.
“Dati marami nang nag-graduate pero halos weekly rin sila nag-guest namin. Right now, feeling ko, ang goal ng network kaya mas konti kami ay para mas marami kaming ma-guest, mas marami kaming sinasama,” sabi pa ni Pao.
Nabanggit din ni Paolo ang guesting ng mga vloggers na sina Jelai Andres at Mika Salamanca sa kanilang pilot airing tonight, July 9.
“Part ng pagiging relevant at sa pag-a-adapt namin sa panahon, e, katulad ngayon social media, may nag-guest kami na galing social media at social media influencers at iba pang guest kasi mas gusto namin yung makapag-explore ng iba-iba.
“Eventually they can always come back. Yung mga nag-graduate naman may mga ginagawa sila, may mga teleserye sila,” aniya pa.
Matatandaang nagkaroon na rin ng pagbabago sa “Bubble Gang” last year kung saan nagbawas din sila ng cast members tulad nina Antonio Aquitania, Boy2 Quizon, Diego at iba pa.
Samantala, diretsahan namang sinabi ni Chariz na mami-miss niya ang ka-partner niyang si Valeen sa hit na hit na segment nilang “Balitang Ina.”
Talaga raw super cry siya nang malamang hindi na makakasama si Valeen sa new version ng “Bubble Gang”,
“Siyempre po, niyakan ko po yun. Pero nu’ng isang araw magksama kami, alam din niya yung konsepto ng negosyo, ng showbiz.
“Si Valeen di naman siya talaga nawalan, nag-gain siya kasi sa Bubble andami niyang natutunan and naka-build siya ng magagandang relationships. Tineyk niya yun with her.
“Meron siyang bagong trabaho, di lang sa mainstream, napaka active din niya sa digital. Sinabi ko sa kanya hindi lang ito ang venue natin to be together. Pareho kaming may pangarap together.
“We will be partners again. Hindi lang dito, maraming venue,” ani Chariz.
Sabi naman ni Paolo sa mga dating kasamahan sa show na sina Sef at Archie, “Of course, malungkot, but we’re not taping friends. We’re friends.
“Regardless kung di namin sila kasama tuwing Lunes na taping, araw-araw kausap ko si Archie, si Sef. Yun lang naman yun,” aniya pa.
Ang direktor ngayon ng “BBLGANG” ay sina Frasco Mortiz at Mark David.