Kakai Bautista grabe magpaka-fan girl kay Stell ng SB19: ‘Sobrang nagustuhan ko siya kasi…’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Stell ng SB19 at Kakai Bautista
IPINAGTANGGOL ng tinaguriang Dental Diva na si Kakai Bautista ang award-winning super P-pop group na SB19 sa mga namba-bash sa kanyang mga idol.
Aminado ang singer-comedienne na sa lahat ng mga miyembro ng SB19 ay si Stell talaga ang crush na crush niya. Pero siyempre, idol din niya sina Pablo, Josh, Ken at Justin.
Ayon kay Kakai, nagsimula niyang hangaan at magustuhan ang sikat na sikat na all-male group nang malaman niya ang pinagmulan ng bawat isa sa mga ito, lalo na ang kuwento ng kanilang pagsisimula.
“Yung SB19 kasi, sobrang na-inspire ako sa kanila nu’ng nalaman ko ang story nila. Naging sobrang fan ako.
“Tapos si Stell, sobrang nagustuhan ko siya kasi marami na akong kaibigan na nakapag-work with them.
“Kasi, sobrang bait. Saka grabe, ang galing niyang sumayaw, ang galing niyang kumanta, tapos grabe yung glow up. Tapos ang bait-bait pa, napakasimpleng tao,” pahayag ni Kakai nang makachikahan namin siya nitong Biyernes, July 7, sa Beautederm Headquarters sa Angeles City.
Sa tanong kung hanggang saan kaya aabot ang paghanga niya kay Stell, “Crush lang to, tsaka fangirl lang ako! Nakikita naman nila yung mga post ko. Fanpage na ba ng SB19 yung page ko?!
“Kasi sobrang fan talaga ako ng SB19. Sobrang-sobrang-sobra. Hindi lang si Stell, silang lahat,” mariing sabi ng Dental Diva.
Patuloy pa niyang kuwento, “P-pop fan talaga ako, pero fan din ako ng K-pop, Blackpink, BTS, ganyan-ganyan. Pero kasi nu’ng nakilala ko yung SB19, sobra talaga,” sabi pa ni Kakai na isa sa pinakamasipag at pinakamaaasahang brand ambassador ng Beautederm na pag-aari ng matagumpay na negosyanteng si Rhea Anicoche-Tan.
Sabi pa ni Kakai, hindi pa raw siya nabibigyan ng chance na maka-bonding o maka-collab si Stell at ang iba pang miyembro ng SB19.
“Nakilala ko siya, pero hindi kami nagkausap. Nagkaroon ako ng chance to meet him in person,” ang kinikilig na sabi ng singer-comedienne.
“Ayun lang, dumaan lang. Tapos parang yun, hindi ako nakapagsalita. Very fangirl. Di ba, pag may idol tayo, di ba, minsan hindi talaga tayo makapagsalita? Sobrang na-starstruck ako.
“Kahit sila, sa kanilang lima, talagang… sobrang kasing… Kasi, more than anything, gustung-gusto ko yung (style nila).
“Kasi artist ako, performer ako. So, nung napanood ko sila, sabi ko, ‘Hala, ang galing! Sobrang galing!’ Sobrang galing talaga.
“More than anything, sobrang galing. And yung passion nila, and yung pinagdaanan nila as artists kaya rin sila umabot sa ganito, grabe, sobrang na-inspire ako,” aniya pa.
At sa tanong kung ano ang reaksyon niya sa mga bashers na nagsasabing lumaki na raw ang ulo ng SB19 dahil sa kanilang tagumpay sa music industry, “Minsan naman kasi, hindi naman tayo sure din sa mga sinasabi natin.
“Siyempre, di ba, pag nakakarinig lang tayo ng ganun, alam naman kung ano yung totoo saka kilala naman natin sila. Basta ako, susuportahan ko sila! Susuportahan ko sila,” paniniguro ni Kakai.
Nangako rin siya na susuportahan at tututukan niya si Stell sa “The Voice Generations” ng GMA 7 kung saan isa ang binata sa mga coach.
Sey ng komedyana, “Ten years na akong walang TV, wala akong cable. Internet lang lahat. Kasi, pag nasa bahay kasi, hindi ko naman nagagamit.
“Natutulog lang ako kasi may work tayo, di ba? Pag nasa bahay, tutulog lang, ganun. So, sige papanoorin ko talaga yun kahit sa YouTube. Excited ako para sa kanya, kasi deserved niya,” chika ni Kakai.