Isko tinanggap agad ang pagiging batang ama ni Joaquin, tuwang-tuwa nang maging lolo: ‘Every life is a blessing’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Isko Moreno, Joaquin Domagoso at Scott Domagoso
HINDI naging mahirap para kay former Manila Mayor Isko Moreno na tanggapin ang pagiging batang ama ng kanyang anak na si Joaquin Domagoso.
Naging ganap na ama ang Kapuso actor sa edad na 20 pero hindi muna siya agad umamin sa publiko at inilihim pansamantala ang pagsilang ng anak nila ni Raffa Castro na si Scott.
Kuwento ni Isko sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong nagdaang Lunes, ibinigay niya ang kanyang buong suporta kay Joaquin nang malamang magkakaanak na ito at si Raffa.
Sa katunayan, super excited nga raw ang dating alkalde sa pagiging lolo ni Scott na ipinagbuntis ni Raffa noong kasagsagan ng pangangampanya ng aktor-politiko sa naganap na 2022 presidential elections.
Sabi ng bagong host ng “Eat Bulaga”, “Life is life. Every life is a blessing.”
Ngunit sa kabila ng pagtanggap ng pamilya ni Joaquin sa kanyang pagiging tatay sa batang edad ay pinayuhan ng asawa ni Isko na si Diana Lynn Domagoso, sina Joaquin at Raffa na huwag munang magpakasal.
Bukod daw sa bata pa naman ang mga magulang ni Scott, mas magandang unahin muna ng mga ito ang pag-aalaga at pagpapalaki sa kanilang baby.
“It’s not about the love, the relationship. You think over but for the meantime you have to be responsible for another mouth,” ang payo ni Yorme sa mga young parents.
Sa isang panayam, sinabi rin naman ni Joaquin na napag-usapan talaga nila ni Raffa na huwag munang magmadali sa pagpapakasal at kailangan nila muna itong planuhin habang inaasikaso ang mga pangangailangan ni Scott.
Inamin din noon ni Joaquin na talagang inatake siya ng takot nang malamang magiging tatay na siya ngunit ipinangako nga niya sa kanyang anak na gagawin niya ang lahat para maging responsible at masipag na tatay.
Nitong nagdaang April, nag-one year old na si Scott.