Carlo Aquino nagbalak mag-migrate sa US at magpaampon sa tiyuhin, muntik nang sukuan ang buhay-showbiz
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Carlo Aquino
KNOWS n’yo ba na plano na sanang mag-migrate sa Amerika ng award-winning actor na si Carlo Aquino at tuluyan nang iwan ang mundo ng showbiz?
Inamin ng Kapamilya actor na nais na niyang sumuko noon at huwag nang ipagpatuloy ang pag-aartista dahil sa nawawalan na siya ng kumpiyansa sa kanyang sarili bilang aktor.
Sa naganap na zoom mediacon para sa bago niyang digital serye na mapapanood sa streaming app ng Viva Entertainment na Viva One, ang “Kung Hindi Lang Tayo Sumuko,” inamin ni Carlo na nanghihinayang siya sa mga pinalagpas na magagandang proyekto noon.
“Yung mga past projects ko na hinindian nu’ng nag-lie low ako pinanghinayangan ko. Kasi medyo matagal din yon, mga two years. Kasi nga takot na takot ako kasi nga hindi ako naniniwala sa sarili ko,” ang rebelasyon ni Carlo.
“Pero katulad ni Ryza (Cenon, leading lady niya sa Kung Hindi Lang Tayo Sumuko), hindi rin ako nagsisisi kasi yon nga, kailangan kong pagdaanan yung bagay na yon para marating ko kung nasaan ako ngayon. Iba kasi yung nagsisi ka sa nanghinayang ka, di ba?
“Kasi nu’ng time na yon, magma-migrate na dapat ako sa Amerika. Magpapa-adopt ako sa uncle ko. Pero mabuti na lang din hindi ko itinuloy kasi nga mahal na mahal ko yung ginagawa ko, yung trabaho ko.
“So parang kailangan kong pagdaanan yon. Gusto ko ba talagang umalis at sukuan itong mahal na mahal kong trabaho, parang ganu’n,” lahad ni Carlo.
Samantala, pagdating naman sa usaping pag-ibig, hindi rin daw niya ito sinusukuan, “Ako, ipinaglalaban ko talaga. Ipinaglalaban ko. Sayang, eh, lalo na ilang taon na ako.
“So, ano kapag sumuko ako, kikilala ako and then kami ng lang years, di ba? Parang ulit na naman. Basta, laban na lang!” aniya pa.
Natanong din ang aktor kung naniniwala ba siya na kadalasang nagdadala raw sa isang relasyon ay babae at kapag sumuko na ang girl ay doon na tuluyan nang mawawasak ang pagsasama ng mag-asawa o magdyowa.
“Naririnig ko rin yung sinasabi ng mga iba na dapat lagi ang partners 50-50, di ba? Pero hindi naman palaging ganu’n, eh.
“Minsan uuwi ka sa bahay sa partner mo 20 lang yung kaya mong ibigay at dapat punan yon ng partner mo. Kailangan i-fillout niya yung 80 percent, parang dapat ganun. Yon ang take ko, para siyang give and take,” sey pa ng aktor.
Samantala, abangan ang pagsisimula ng digital series na “Kung Hindi Lang Tayo Sumuko” sa Viva One na ibinase sa bestselling book ni Marcelo Santos III. Kasama rin dito sina Coleen Garcia, Ryza Cenon, Kiko Estrada, Rhen Escaño, at Jerome Ponce