Laro Ngayon
(MOA Arena)
7 p.m. Leo Awards
8 p.m. Petron vs San Mig Coffee (Game 4)
MAKAPAGLARO man o hindi ang lead point guard na si Alex Cabagnot ay pinapaboran pa rin ang Petron Blaze kontra San Mig Coffee sa Game Four ng PLDT Telpad PBA Governors’ Cup best-of-seven championship series mamayang alas-8 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa kabila ng pangyayaring nagtamo ng foot injury si Cabagnot sa dulo ng Game Two at hindi nagamit sa Game Three ay magaan na tinalo ng Boosters ang Mixers, 90-68, noong Miyerkules para sa 2-1 abante sa serye.
Ang Petron ay nagwagi sa Game One, 100-84, subalit naitabla ng San Mig ang serye matapos magtagumpay sa Game Two, 100-93.
“The rest of the guys stepped up as we made the right adjustments after that loss in Game Two. We hope to continue playing well,” ani Petron rookie tactician Gelacio Abanilla na naghahangad na mapanalunan ang kanyang unang kampeonato bilang head coach sa PBA.
Ang Boosters ay pinamunuan ni Elijah Millsap na nagtala ng game-high 28 puntos bukod sa walong rebounds, tatlong assists at dalawang steals.
Si Millsap ang top contender para sa Best Import award at katunggali niya si Marqus Blakely ng San Mig Coffee. Ang mga magwawagi bilang Best Import, Most Valuable Player, Rookie of the Year at iba pang karangalan ay malalaman sa 2013 Annual Leo Awards sa ganap na alas-7 ng gabi.
Sina Arwind Santos ng Petron at James Yap ng San Mig Coffee ay kabilang sa mga nominado para sa MVP award. Si Yap ay nagtala ng 10 puntos sa Game Three subalit siya lang ang local na nakatuwang ni Blakely na gumawa ng 17 puntos.
Sa kabilang dako, sina Santos, June Mar Fajardo at Marco Lassiter ay pawang nagtapos nang may double figures sa scoring upang padaliin ang trabaho ni Millsap.
Buhat sa 28-22 abante ay gumawa ng 14-2 atake ang Petron upang lumayo, 42-24, bago kinuha ang halftime, 55-30. Hindi na nakahabol pa ang Mixers buhat doon.
Ang pagkawala ni Cabagnot ay pinunan nina Dennis Miranda at Paolo Hubalde. Sa kabila ng kabiguan, sinabi ni San Mig Coffee coach Tim Cone na siguradong magbabalik ang Mixers sa Game Four.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.