Joross super tanggol kay Paolo: ‘Matino naman ‘to…hindi siya masamang tao at huwag sana tayong i-judge sa mistakes natin’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Paolo Contis at Joross Gamboa
TODO-TANGGOL si Joross Gamboa sa kaibigan at co-star niya sa pelikulang “Ang Pangarap Kong Oskars” na si Paolo Contis na patuloy na nabibiktima ngayon ng pamba-bash at pambu-bully sa social media.
Para kay Joross, isa si Paolo sa pinakatotoo at pinakamatinong tao na nakilala niya sa showbiz at naniniwala siya na malalagpasan nito ang lahat ng kinasasangkutang isyu at kontrobersya.
Last Friday, June 23, magkasamang humarap ang dalawang aktor sa presscon pagkatapos ng premiere night ng pinagbibidahan nilang pelikulang “Ang Pangarap Kong Oskars” na showing na ngayong araw sa lahat ng sinehan.
Sa isang bahagi ng mediacon, natanong sila kung anu-ano ang kaya nilang isakripisyo para maabot ang mga pangarap na siyang tema ng kanilang pelikula
Unang sumagot si Joross, “Before you strive for success alamin mo muna ‘yung definition ng success sa buhay mo, dahil may kaniya-kaniya naman tayong journey.
“Iba ‘yung success sa kanya, iba ‘yung success sa akin, and kung gagawa ka ng sacrifice, ‘yung sa sarili mo dapat, ‘yung mga self desire mo.
“And kailangan alam din natin ‘yung purpose natin kung bakit natin ginagawa lahat ng ‘to para meron ka lang din pattern na susundan at hindi tayo maligaw,” aniya pa.
“Ang pinaka-tip ko lang din laging papunta kay God ang pinaka-purpose natin,” sabi pa ni Joross.
Sundot namang biro sa kanya ng isang member ng showbiz press, “At least ma-influence mo si Paolo.”
Sagot naman ni Joross, “Ay hindi, matino ‘to si Paolo kumbaga palabiro lang siya and dahil nga ‘yung mga issue it doesn’t mean na masama siyang tao kaya ‘yung mga namba-bash…ang hirap magsalita e, pero bilang kaibigan, ako, kilala ko si Pao personally.”
Binigyang-diin pa niya na tao lang din ang aktor at nagkakamali, “We’re just humans, we make mistake pero ‘wag naman sana tayong i-judge through our mistakes kasi lahat naman tayo may karapatan sa second chance o third chance man lang.”
Samantala, mapapanood na simula ngayong Miyerkules, June 28, sa mga sinehan ang pelikulang “Ang Pangarap Kong Oskars” kung saan na makakasama rin nina Joross at Paolo sina Faye Lorenzo, Kate Alejandrino at marami pang iba.