Buboy inaming kaibigan ang napiling contestant sa ‘Eat Bulaga’: ‘Lahat naman po puwedeng manalo e…pero hindi ko alam na manonood siya’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Buboy Villar
NAGPALIWANAG ang Kapuso comedian at TV host na si Buboy Villar tungkol sa paglalaro ng kaibigan niyang napiling contestant sa “Eat Bulaga“.
Diretsahang inamin ni Buboy na totoong kaibigan niya ang nag-viral na studio contestant sa noontime show ng GMA 7 ngunit mariin niyang itinanggi na scripted ito tulad ng paniniwala ng publiko.
Ang tinutukoy ng komedyante ay ang pagsali ng isang male contestant sa “Ikaw Ang Pinaka” segment ng bagong “Eat Bulaga” na umere noong June 7.
Marami ang nag-post sa social media na namukhaan nila ito at sinabing kakilala nga ito ni Buboy dahil palagi itong lumalabas sa kanyang mga vlog sa YouTube.
“Well, talagang nasa script po ‘yung laro namin kasi siyempre mahirap naman po ata ‘to hindi naman po ito birthday lang na parang magsabi kami ng, ‘Bring me,’ ‘yun na po agad ‘yung laro namin.
“So aral po ‘yung mga laro namin dito pero pagdating na po sa mga contestant ay hindi na po namin alam ‘yun,” simulang paliwanag ni Buboy sa panayam ng GMA Network.
Kasunod nito, sinabi nga ni Buboy na totoong kaibigan niya ang nasabing contestant, “Naawa rin po ako sa part ng contestant kasi fan ko po ‘yun, fan ko po ‘yun na sobrang sumuporta sa akin.
“Da kabila ng mga taong nagsasabi ng masasakit na salita sa akin although okay lang naman po sa akin yun, tumatanggap naman po ako kasi opinyon ‘yun, e, sumuporta itong kaibigan ko na ‘yun.
“At sobrang saya ko dahil nandoon siya no, nakita ko siya, at napili siya ng mga co-hosts ko rin so the show must go on, pinaglaro siya. Lahat naman po puwedeng manalo e, sabi nga po namin sharing is caring and caring is winning,” pahayag ng comedian.
Esplika pa niya, “Hindi ko alam na manonood siya ng Eat Bulaga. Hindi ko talaga expected kasi ang una kong gustong nandoon sa stage ay ‘yung nanay ko, siya ‘yung in-invite ko.
“Gusto ko saksi ‘yung nanay ko doon kasi unang-una po sa lahat, Eat Bulaga po ito part po ito ng history, tapos tutungtong po kami sa stage ng Eat Bulaga,” aniya pa.
Ipinagtanggol din si Buboy ng co-host niya sa “Eat Bulaga” na si Paolo Contis, “It was a very honest mistake, una sa lahat, the only mistake I guess was that Buboy did not mention it on air na kilala niya ‘yung tao.
“Pero ‘yung taong ‘yun hindi niya kasama sa likod, pumila ‘yun ng alas-6 ng umaga tapos pinili siya ni Mavy (Legaspi), ‘di ba? Pero ang tao naman kasi hahanap at hahanap ng paraan para sabihing…lalo ngayon na para kang nasa microscope ‘di ba? Lahat ng kaunting mali mo e, pupunahin,” katwiran ni Pao.