Buboy Villar ginugulpi noong bata: Isinumpa ko po yung tatay ko dati…
“AYOKONG maranasan ng mga anak ko ang mga pinagdaanan kong hirap sa buhay,” ang pahayag ng Kapuso comedian na si Buboy Villar patungkol sa pagiging batang ama.
Ito ang palaging iniisip ng dating child actor para mas magpursigi at magsipag pa siya sa pagtatrabaho at mabigyan nga ng magandang kinabukasan ang dalawang anak.
Sa edad na 22, todo kayod na si Buboy para sa mga anak na sina Vlanz Karollyn, 3, at George Michael, 1. Hiwalay na sila ng dati niyang partner na si Angillyn Serrano Gorens pero maayos naman daw ang kanilang co-parenting agreement.
Para kay Buboy, ang isa sa pinakamahalagang aral na natutunan niya bilang tatay ay ang pag-aalaga sa sarili at masigurong malusog siya at walang sakit.
“Unang-una sa lahat na dapat nating ingatan, ang sarili natin. Kasi kapag hindi natin iningatan yung sarili natin, paano na yung mga anak natin?
“Paano na yung future nila? Ayokong lumaki yung mga anak ko na kung ano man yung pinagdaanan ko.
“Hindi ko puwedeng i-judge yung mga anak ko na, ‘Pag lumaki kayo, hindi niyo kaya yung pinagdaanan ko.’ Hindi e, kasi iba-iba naman yung path namin, e,” paliwanag ng batang komedyante sa vlog ni Toni Gonzaga.
Sa isang bahagi ng video, inalala ni Buboy ang isang madramang eksena sa pagitan nila ng kanyang panganay na si Vlanz, “Yung three years old ko na anak, parang ano na, parang dalaga na magsalita.
“As in, minsan kapag nasa taping ako, nag-lock-in taping ako nitong huli, yung ‘Oh My Love,’ sinabi niya, ‘Papa, hindi mo na ako miss, hindi ka na umuuwi dito,’ sabi niya.
“Sabi ko, e hindi ko siya nakausap nang ganu’n, umiyak ako. Umiyak ako noon kasi first time ko makaranas ng ganu’n, e. Hindi po kasi ako maka-tatay, kasi tatay ko kasi talaga nanggugulpi dati.
“Kumbaga, yung feeling ng pagiging tatay, du’n ko lang naranasan na, ‘Shocks, ang sarap tapos ang sakit.’ Masarap, kasi may anak akong ganu’n, sobrang sweet, hinahanap ako. Kasi wala namang naghahanap sa akin, e.
“Tapos, masakit, kasi wala ako du’n. Kumbaga kailangan kong gawin yung trabaho ko siyempre. Sakripisyo para sa kanila,” ani Buboy.
Pangako pa niya, gagawin niya ang lahat para sa mga anak para hindi maranasan ng mga bata ang na-experience niya noon, “Yung ako, nandiyan ako sa kanila. Kasi po ako, hindi ko naranasan na lagi kaming nagsasabay ng pamilya ko.
“Kasi nga lumaki yung pamilya ko sa alcohol siyempre. Mahilig uminom yung tatay ko, tapos kada gabi, nagugulpi kami, yung nanay ko.
“Nakikita ko yung nanay ko tumatagos yung ulo sa pader. Hindi naman yung pader na bato, yung kisame. Tumatagos yung ulo ng nanay ko, pag lasing yung tatay ko,” kuwento pa niya.
Inamin niyang grabe ang galit niya noon sa tatay niya, “Although ayaw ko silang i-judge, e. Ngayon, ayaw kong i-judge yung…dati galit ako sa tatay ko, as in, sobra. Sinumpa ko pa yung tatay ko dati.
“Nu’ng naging tatay ako, mas naramdaman ko yung pagiging tatay na kahit anong sama nu’ng tatay mo, mapapatawad at mapapatawad mo pa rin siya, e.
“Dinalaw ko yung tatay ko noon, sinabi ko sa tatay ko, ‘Kahit na hindi ka tumayong tatay sa amin, ayusin mo na lang yung buhay mo bilang isang tao.
“‘Kasi ako, tinitingnan kita as a tatay, kahit na wala ka namang ginawang mabuti para sa akin, or marami kang sacrifice na ginawa noon, thank you kasi nabuhay ako.’
“‘Ayusin mo, kasi ayokong mahirapan ka. Kasi kaya ako nagtrabaho, para sa inyong lahat, e.’ Para sa nanay ko, sa pamilya ko, mabigyan ng magandang kinabukasan.
“Ayokong ako yung mismong makasira, dapat makita nila yun. Lagi kong pinagdarasal na makita nilang lahat yun, na kahit na hindi kami lumaki sa… alam niyo iyun? Alam namin yung buhay na parang may mga manners, di ba?
“Hindi naman kami ganu’n, kumbaga, laking kalsada kami. Kumbaga, kung anong maisipan namin, ibibitaw namin. Kung anong, ‘Inuman tayo lahat,’ ganyan,” mahabang hugot ni Buboy.
Narito naman ang paalala at mensahe niya sa lahat ng batang ama na tulad niya, “Minsan mangyayari sa buhay nila, tinatakasan nila. Sa akin, hindi ko maisip, e.
“Bakit? Bakit natin gagawin yun, e unang-una sa lahat, nakikita mo yung anak mo, dugo mo yun. Nu’ng narinig ko yung umiiyak, sabi ko, ‘Anak ko yun!’
“Pag bukas nu’ng curtain sa NICU, sabi ko, ‘Amputi nu’ng bata na yun o, hindi ko kamukha, akin yun! Akin yun! Mukhang foreigner, akin yun!’ Yun ang nag-iisang foreigner.
“Nu’ng nangyari sa akin yun, ang sabi sa akin… nag-isip-isip muna ako bago umakyat yung mag-ina ko, ‘Tatay na ako, tatay na ako,'” masayang-masaya pang sabi ng Kapuso comedian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.