Paolo sa patuloy na pag-atake ng bashers: ‘Kasi, hindi sila masasapak sa mukha, subukan nilang sabihin sa harap ko yon…I dare them’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Paolo Contis at Joross Gamboa
MATAPANG na hinamon ng Kapuso actor at TV host na si Paolo Contis ang lahat ng mga bashers na patuloy na nambabastos at nambu-bully sa kanya sa social media.
Isa si Paolo sa masasabing “most bashed” celebrity ngayon dahil sa mga isyu at kontrobersyang kinasasangkutan niya — ang latest nga ay ang pagiging host niya sa bagong “Eat Bulaga” ng GMA 7.
Kasama siya sa mga bagong host na napili ng TAPE Incorporated para pumalit kina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa longest-running noontime show sa bansa, matapos mag-resign ang mga ito at magdesisyong lumipat sa TV5.
Ngunit sa kabila nga ng araw-araw na pambabatikos sa kanya, mas pinipili na lamang daw ni Paolo ang magpakapositibo at gawin ang nga trabahong ipinagkatiwala sa kanya ng GMA.
“As I’ve said, bashing, wala, wala sa akin. Hindi ko alam, paulit-ulit akong tinatanong. Hindi ba kayo naniniwala na wala akong pakialam sa namba-bash sa akin? Totoo, wala talaga. Kasi, alam ko naman ang mali ko,” pahayag ng aktor sa naganap na mediacon pagkatapos ng celebrity screening ng bago niyang pelikulang “Ang Pangarap Kong Oskars.”
“Like for example, ikaw, kapag nag-usap tayong dalawa, makikinig ka. Kasi, kilala kita. Pero yung iba na natatanggap ko na hindi ko naman kilala, bakit ko pakikinggan kung nakausap na kita?
“Kung nakausap ko na ang nanay ko, kung nakausap ko na ang malalapit sa akin, these are the people whom I listen to. But other than that, I strive to be better, without posting. Kasi, hindi ko siya style,” ang punto pa ni Pao.
Mariin pa niyang sabi, “Hindi ako magpo-post ng magagandang bagay na ginagawa ko para lang i-win yung mga taong wala namang pakialam.
“Para lang mabawasan ang bashing, ano, tutulong ako? Para maawa sa akin, iiyak ako? Ang pangit. I don’t do it.
“So, lahat ng bashing na nakukuha ko are just based on what, 10 percent of knowledge that they know of because it was posted. Hindi ko responsibilidad na mag-post to defend myself anymore,” dugtong pa ng Kapuso star.
Aniya pa, “To be honest, oo, minsan magugulat ka na, ‘Ano? Wow, saan galing yon? Sa ‘yo ba nangyari?’ But it’s the social media thing. Habang huma-high tech ang technology, yung mga tao, nagiging barbaric.
“Kasi, hindi sila masasapak sa mukha habang sinasabi nila yon. Subukan nilang sabihin sa harap ko yon kung ano ang mangyayari sa kanila. Kaya tumapang ang mga tao, e. Pero kapag tinanong mo ang ano, zero, zero! Ay, imbento, tigilan ako,” chika pa ni Pao.
Samantala, mula sa producers ng mga phenomenal hit movies na “Ang Pangarap kong Holdap”, “A Faraway Land”, “Dollhouse”, Unravel at “I Love Lizzy”, ihinahandog ng MAVX Productions, sa direksyon Jules Katanyag, ang pelikulang “Ang Pangarap Kong Oskars”.
Humanda na sa kakaibang trip sa kababalaghan at katatawanan kasama sina Paolo at Joross Gamboa.
Sundan ang biyahe ng isang Movie Producer na si Bobby B (Paolo) at Director DMZ (Joross) sa paglikha ng isang kakaibang obra maestra.
Nakasentro ang istorya ng “Ang Pangarap kong Oskars” sa kwento ni Bobby B na gustong patunayan na kaya niyang makagawa ng isang pelikulang maaring makapaglagay sa Pilipinas sa international movie stage.
Sa tulong ng kaibigan na si DMZ, gagawa sila ng pelikula na kahit kapos sa pondo at suporta ng mga tao sa industriya.
Dahil sa kamalasan at kakapusan sa pelikulang gagawin, nakaisip si Bobby B ng kakaibang paraan para maisakatuparan ang malaking pagsubok na ito.
Dala ang tapang, diskarte, isang camera, kasama ang mga element ng kababalaghan, matatapos kaya nila ang paggawa ng pelikulang ito?
Ang “Ang Pangarap Kong Oskars” ay isang pagpupugay sa tiwala, pagkakaibigan, at dedikasyon ng mga tao sa likod ng camera.
Ipinakikita rin sa pelikulang ito kung hanggang saan at ano ang kayang isugal at isakripisyo ng isang individual upang matupad at maabot ang kanyang pinakaaasam na pangarap.
Mapapanood na ang “Ang Pangarap Kong Oskars” sa mga sinehan mula sa June 28. Directed by Jules Katanyag.