Rabiya hindi mabenta sa mga tibo, pero niligawan ng mga bading; natapos nang bayaran ang biniling bahay para sa nanay
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rabiya Mateo
TAWA kami nang tawa nang makachikahan namin ang Kapuso actress at beauty queen na si Rabiya Mateo tungkol sa kanyang personal life.
Game na game niyang sinagot ang ilang questions na may kinalaman sa kanyang lovelife, kabilang na riyan ang relasyon nila ngayon ng Kapuso hunk na si Jeric Gonzales.
Aniya, going stronger pa rin sila ng aktor at talagang naglalaan sila ng sapat na panahon para makapag-date kahit na sobrang hectic ng kanilang schedule dahil sa sunud-sunod nilang projects.
Nang mapag-usapan naman ang tungkol sa pagsuporta niya sa LGBTQIA+ community lalo na ngayong Pride Month, natanong si Rabiya kung may pagkakataon ba na niligawan siya ng tomboy.
“Parang hindi ako maano sa ano…hindi ako mabenta. Wala talaga, kahit noong nag-aaral ako, bakit kaya?” ang natatawang chika ng dalaga nang makausap namin pagkatapos ng presscon ng bago niyang serye sa GMA, ang “Royal Blood.”
Dagdag ng aktres at TV host, “Pero maraming nanligaw sa akin na… ito yung nakakatawa, bakla! Na medyo nako-confuse sila, so may mga tatlo siguro.”
Ayon pa kay Rabiya, knows daw niya na bading ang mga ito, pero “paminta” o pa-mhin (beki pero astang lalaki), “Hindi pa naman (lantad) pero amoy ko yun, e. Pero hindi ko naman sila dyina-judge. Parang sinasabi ko, ‘Sis, parang same-same tayo!’
“Pero, siyempre, I was honest naman na, if I’m not interested kasi, umpisa pa lang, sasabihin ko na, I’m not interested. Kasi kesa naman magsayang tayo ng oras, di ba?” ang tawa pa rin nang tawang chika ng Kapuso star.
Samantala, feeling blessed and grateful din ang dalaga dahil sa dami ng projects niya sa GMA 7. Ibang-iba na raw ngayon ang takbo ng buhay niya pati na rin ng kanyang pamilya.
Bonggang-bongga na raw sila ngayon kumpara noong estudyante pa lang siya na talagang kapos na kapos sila sa pera, “Hindi naman mayaman, medyo nakakaluwag-luwag lang tayo. Ha-hahaha!”
Ano’ng feeling na nabibili na niya ngayon ang mga bagay na dati’y pinapangarap lamang niya? “Ang sarap po talaga! Kasi yung pinaka-turning point is yung sa pagkain.
“Kasi dati before ako makakain ng Jollibee, kailangan special occasion muna. Pero ngayon anytime,” aniya pa.
“Naaalala ko pa nga noong graduation namin, bumili ako ng isang bucket ng… kasi may mga bisita kami, graduation ko, cum laude ako, nag-speech pa ako.
“Tapos sabi ni mama, ‘Anak, pang-isang bucket na lang yung pera natin ng Jollibee!’ Wala kaming pang-Coke! So tubig-tubig na lang sila. Tapos nagsaing pa ako,” natatawa pa niyang chika.
At sa tanong kung ano ang pinakamahal na nabili o naipundar niya mula sa kanyang mga talent fee? “Pinakamahal, siguro, bahay for my mom, sa Iloilo.
“Hindi ko naman siya binayaran ng buong cash, pero nagla-lump sum kasi ako para yung interes hindi masyadong mataas. Kakatapos ko lang bayaran mga two months ago!” very proud pang chika ni Rabiya.