YouTube channel, FB account ng bagong ‘Eat Bulaga’ biglang natsugi, hirit ni Paolo: ‘Report lang kayo nang report, post lang kami nang post!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Isko Moreno, Paolo Contis, Buboy Villar at ang iba pang hosts ng Eat Bulaga sa GMA 7
SHOOKT ang lahat ng bagong hosts ng “Eat Bulaga” sa GMA 7 nang malaman nilang na-terminate ang YouTube channel at Facebook account ng kanilang programa nitong nagdaang Lunes, June 19.
Bukod dito, na-take down din ang bagong Facebook account na “Eat Bulaga Na” kamakalawa ng gabi na siguradong ikinalungkot at ikinadismaya ng TAPE Incorporated at ng buong production.
Ayon sa mga taong nagpapatakbo ngayon ng naturang noontime show sa GMA, ang akala nila ay napapanood pa sila kanilang YouTube channel pero deleted na pala ito.
In fairness, marami-rami na ring followers at subscribers ang YouTube at Facebook ng bagong “Eat Bulaga” kaya siguradong hinayang na hinayang ang lahat ng hosts nito pati na ang TAPE ng pamilya Jalosjos.
Ayon sa mga nabasa naming comments sa social media, posibleng ang nasa likod daw nito ay ang mga loyal at die hard fans ng dating “Eat Bulaga” ng iconic trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
Posibleng may mass report daw na nangyari kaya na-terminate ang YouTube channel at Facebook page ng “Eat Bulaga.”
Sa live episode naman ng Kapuso noontime program, nagsalita ang isa sa host na si Paolo Contis. Aniya, “Hindi po kami hihinto sa pag-try na magkaroon ng Facebook page na ‘yan!
“Report lang kayo nang report, post lang kami nang post! Hanggang sa mapagod kayong mag-report,” ang hamon pa niya sa mga netizens.
Base sa mga nababasa naming komento sa socmed, nananawagan ang mga manonood na palitan na lang ng TAPE ng ibang titulo ang kanilang show sa GMA dahil talagang ang TVJ at ang mga original Dabarkads pa rin ang nakikita at naaalala nila kapag nanonood sa bagong “Eat Bulaga.”
Inaasahan namang sa darating na July 1, mapapanood na ang bagong noontime show ng TVJ sa TV5. Hindi pa binanggit ng tatlong veteran TV host-comedian kung ano talaga ang magiging title ng kanilang show sa Kapatid Network.
Malalaman daw ng sambayanang Filipino ang titulo nito sa mismong pag-ere nila sa July 1. Pero kung si Bossing Vic ang tatanungin, “Eat Bulaga” pa rin ang dapat nilang gamitin.