Bandera Editorial: Gutom sa load | Bandera

Bandera Editorial: Gutom sa load

- July 21, 2010 - 04:51 PM

Bandera Editorial

ANG mga nagugutom pala ang magiging tampok sa bibigkasing State of the Nation Address ni P-Noy sa Lunes.
Ang mga nagugutom (sino ba naman ang hindi nagugutom o inaabot ng gutom?  Kahit mayayaman ay nagugutom din, inaabot ng gutom at nalilipasan ng gutom dahil sa pagiging abala sa pagpapalago ng kayamanan) ay ginawang slogan na ng mga kalaban ng nakalipas na gobyerno at ang sagot nga ay bubuo ng mga programa para maibsan ang dami ng mga nagugutom (walang binanggit na eksaktong numero dahil wala naman talagang nagbilang at tumingala na lang sa kisame para sabihing marami nga ang nagugutom, pero wala namang namamatay sa gutom).
Iyan din daw ang gagawin ni P-Noy at magkakaroon din ng “poverty alleviation programs” si P-Noy.
Hindi malulutas ng pabagu-bagong mga poverty alleviation programs ang suliranin sa mga nagugutom, kung apat na milyon nga ang nagugutom, tulad ng binanggit na naman ng survey.
Magugutom ang sinumang nasa kalunsuran kung wala siyang pinag-aralan, pero may makakain pa rin, kahit paano, ang nasa kanayunan kahit siya’y walang pinag-aralan.
Magugutom ang sinumang obrero na arawan ang suweldo kung siya’y naninigarilyo, bibili ng alak at load at konti na lang ang matitira para sa kakainin ng kanyang pamilya.
Magugutom ang sinumang pamilya na hindi magtatrabaho at aasahan na lang ang padalang pera ng ama o ina na kuba na sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Magugutom ang sinumang naghahanapbuhay na mas dumarami ang utang kesa ang kinikita sa arawang kayod.
Magugutom ang sinumang pamilya na nauubos ang maghapon sa kapapanood ng telebisyon at kasusubaybay sa hinahangaang mga artista, na gayun at gayon din ang maruming buhay.
Higit sa lahat, magugutom ang napakaraming tamad at batugan at daragdagan nila ang lumalaking bilang ng mga nagugutom at ang kalagayang ito’y isisisi sa gobyerno na takot hambalusin ang napakaraming tamad at batugan.

Bandera, Philippine News, 072110

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending