Boy Abunda mas naa-appreciate pa ngayon ang mga mambabatas dahil sa ‘CIA with BA’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Pia Cayetano, Alan Peter Cayetano at Boy Abunda
MAS na-appreciate pa ng award-winning veteran TV host na si Boy Abunda ang mga mambabatas nang dahil sa mga natututunan niya sa programang “CIA with BA” sa GMA 7.
Ibinandera ni Tito Boy sa buong universe kung gaano kalaki ang pasasalamat niya sa mga senador at kongresista tulad ng kanyang mga co-host sa “CIA with BA” na sina Sen. Alan Peter at Sen. Pia Cayetano.
Sa episode ng kanilang public service program nitong Linggo, June 11, sinabi ni Tito Boy na, “I have become more appreciative of legislators.
“Kasi’ di ba tayong mga mamamayan, ang atin lamang ay kung ano ang epekto ng batas sa atin. Meron palang wisdom,” paliwanag ng Kapuso TV host at talent manager.
Patuloy pa niya, “Kaya pala ganoon dahil pinoprotektahan ‘yung mga relasyon, pinoprotektahan ng framers ng constitution, ng gumagawa ng batas, ang mga pamilya,” pagpapatuloy ni Tito Boy.
Bilang suporta sa kanyang co-host, pahayag naman ni Sen. Alan, “Ako Kuya Boy, ‘yung sinabi rin talaga sa Bible — ‘Ang Batas ay ginawa para sa tao, hindi ‘yung tao para sa batas.’
“So we do have to know the law, we have to follow the law but it’s also important ‘yung ‘why’ — bakit may batas na ‘yan at para sa tao ‘yan,” katwiran pa ng senador.
Sa nasabing episode, hinarap ng magkapatid na senador at ni Tito Boy ang reklamo ng isang babae sa kanyang asawa na grabe ang pagseselos, dahilan para maapektuhan ang kanyang trabaho.
Isa pang reklamo na kanilang tinalakay ay tungkol sa isang babae na ipinaglalaban ang kanyang karapatan para sa pensyon ng yumaong asawa.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama nina Alan at Pia.
Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang Compañero y Compañera noong 1997 hanggang 2001.
Patuloy na panoorin ang “CIA with BA” tuwing Linggo, 11:30 ng gabi sa GMA.