Joey de Leon umiyak habang nakikipag-usap sa advertiser ng ‘Eat Bulaga’: ‘Rejection is God’s redirection’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon kasama ang iba pang Dabarkads
HINDI napigilan ng tinaguriang Henyo Master na si Joey de Leon ang maiyak habang naglalabas ng kanyang saloobin hinggil sa pagre-resign nila sa TAPE Incorporated na pag-aari ng pamilya Jalosjos.
Naibahagi ng TV at movie icon ang pag-uusap nila ng isang advertiser ng “Eat Bulaga” matapos ang makasaysayang pamamaalam nila nina Tito Sotto at Vic Sotto last May 23 sa kanilang programa.
Kagabi, June 7, live na nakapanayam ng primetime newscast ng TV5 na “Frontline Pilipinas” si Boss Joey kung saan nagbahagi siya ng ilang detalye about their resignation pati na ang paglipat nila sa Kapatid Network.
Sey ng veteran TV host-comedian, sa pagsasanib-pwersa ng TVJ at ng iba pang original Dabarkads, mukhang matutupad na ang dream nilang lahat na umabot sa 50 years ang “Eat Bulaga.”
Ibinalita ng komedyante na sa paglipat nila sa TV5 ay may mga bagong pasabog ang kanilang programa at dala pa rin nila ang mga dating segments ng “Eat Bulaga” noong nasa GMA pa sila.
Natanong din si Joeynina Cheryl Cosim at Julius Babao tungkol sa desisyon nilang layasan na ang TAPE makalipas ang 44 years nilang pagsasama.
“Masakit ba ang hiwalayan? Did you expect it na aabot po sa ganito?” ang tanong ni Cheryl kay Joey.
Sagot ng TV host, “Nagulat nga kami, actually, sa totoo. Well, ang hirap anuhin, e, hanggang ngayon naguguluhan nga ako bakit nangyari, e.
“Well, sabi nga ng isang kaibigan namin yung tungkol sa rejection, ‘Rejection is God’s redirection,’” saad ni Joey.
Sundot na tanong ni Cheryl, “At sabi nga po ni Tito Sen, ikaw daw ang mas umiyak, talagang naiyak po dito sa mga pangyayari?”
Sabi ni Joey, “Hindi ko alam kung gusto ko ikuwento pero umiyak ako nung second day (June).” Dito na naging emosyonal ang komedyante hanggang sa tumulo na nga ang luha.
Nag-time-out muna siya ng ilang segundo para punasan ang luha, “Sorry, totoo to. Dahil tumawag, nag-text sa akin si Susan Co. Si Susan Co, kilala niyo yung taga-Puregold.
“Iyakin talaga ako, e. Nag-text sa akin, ang sabi niya, ‘Are you okay?’ Ang gulo, e. So, tinawagan ko. Tinawagan ko, sabi ko, ‘Okay, we’re okay.’ Tapos, binanggit ko, ‘O, kayo, okay ba kayo?’
“Ako naman bumaligtad kasi nabalitaan ko na parang nag-advance [payment] na sila ng malaking subscription ba tawag o ano, hindi ako marunong sa mga sales, e.
“Three years ata ang in-advance nila sa show namin (sa GMA). Bigla niya akong kinat, nagalit, sabi niyang ganu’n, ‘No, hindi importante sa amin yun. Hindi importante sa amin yun, bahala kami sa ginagawa namin. Ang gusto naming malaman ay kung okay kayo.’
“Umiyak na ako. Hindi ko alam ang mangyayari, e. Ang dami pa sumunod nu’n. Salamat sa lahat, hindi lang kina Susan, salamat sa lahat ng mga tao na nabasa namin, nagulat nga kami.
“Sabi ko nga kay Tito, ‘Ano ba to kung kailan tayo tumanda du’n tayo pinag-usapan?’
“Kaya ang sabi ko, ‘To, ayos din to. Tayo na ang pinakamagandang halimbawa ngayon ng may pinagkatandaan.’
“Kaya ako naiyak, Julius, Cheryl, ako yung nakaisip nung title, e, ngayon ko ipagyayabang. Pero hindi ako kumibo. Sabi ko, ‘Sige,’” aniya pa na ang tinutukoy ay ang titulong “Eat Bulaga” na inaangkin ngayon ng TAPE.
Unang napanood ang longest-running noontime show sa bansa noong 1979 sa RPN 9. Lumipat ang programa sa ABS-CBN noong 1989 at napunta sa GMA 7 taong 1995. At ngayong 2023, hintayin na lang natin kung magagamit pa rin ng TVJ ang titulo kapag lumipat na sila sa TV5.