Simpatikong Bokalista ng Caloocan City Rex Baculfo itinanghal na ‘The Clash 2023’ grand champion, wagi ng P1-M, GMA contract, house & lot
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Julie Anne San Jose at Rex Baculfo
NAGWAGI bilang grand champion ng “The Clash 2023” ang Simpatikong Bokalista mula Caloocan City na si Rex Baculfo.
Kagabi, May 28, ipinalabas ang grand finals ng high-rating reality talent competition ng GMA Network.
Nakalaban ni Rex sa ultimate bakbakan ng “The Clash 2023” ang finalists na sina Arabelle dela Cruz, Liana Castillo, at Mariel Reyes.
Kinanta ni Rex sa “Matira ang Pinakamatibay” Round ang “Earth Song” ni Michael Jackson. Kasunod niyan, natira na lamang sila ni Arabelle sa final battle kung saan sila nag-perform ng kantang “Oras Ko ‘To” composed by Asia’s Romantic Balladeer Christian Bautista and arranged by The Clash musical director Marc Lopez.
Napili ng The Clash Panel ang version ni Rex kaya siya ang nagwagi sa “The Clash 2023″. At dahil diyan, nag-uwi si Rex ng P1 million cash, exclusive contract under GMA, at brand new house and lot worth P3 million from Camella.
“Dito ko talaga masasabing overwhelming, talagang overwhelming. Hindi ko alam kung anong pumapasok sa utak ko nu’n,” sabi ni Rex sa isang panayam after ng contest.
“Nu’ng nakatayo kaming dalawa ni Arabelle, sabi ko, ‘Lord, I leave it to you. ’Yung ginawa kong performances sa lahat-lahat sa The Clash ay para sa Iyo.’ Siguro S’ya na talaga ’yong nag-work for me.
“Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat. Sa lahat ng naniniwala at sumusuporta po sa akin, maraming maraming salamat po,” mensahe pa ng bagong champion ng “The Clash” — isa laban sa lahattttt!
Nakatanggap naman ng tig-P100,000 cash ang finalists na sina Arabelle, Liana, at Mariel.