Sharon buking kay Osang: ‘Kapag ayaw niya sa ‘yo, ayaw niya sa ‘yo! Pero pag nagustuhan ka niya sobra naman talaga!’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Sharon Cuneta at Rosanna Roces
MARAMING natutulungan si Coco Martin pero hindi lahat ay nasusulat dahil sabi nga ang pagtulong ay hindi dapat ipinamamalita.
Ito ang lubos na hinahangaan ni Rosanna Roces na nakasama ng aktor-direktor at prodyuser sa action series na “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Isa ito sa mga naging topic nang makapanayam ng radio host at content creator na si Morly Alino sa kanyang vlog ang tinaguriang Ms. O ng showbiz industry, si Osang.
Natanong kasi ni Morly ang aktres kung ano ang gustung-gusto niya sa isang tao at sinu-sino sila, “Marami akong ganyang tao na hinahangaan ngayon gaya ni Coco, gusto ko ‘yung pagiging adik niya sa trabaho halos ayaw na niya magpahinga tapos ang dami pa niyang tinutulungan on the side puwera pa ‘yung pamilya niya.
“Bihira sa showbiz ‘yung ganu’ng ugali na hindi na iniisip ‘yung sarili. Ang iniisip lahat (ni Coco) kung paano tutulungan si ganu’n, si ganito. Kaya tama lang din na naging producer na siya, parang siya na nga rin talaga ang pumalit kay FPJ (Fernando Poe, Jr.),” kuwento ni Osang.
Sumunod na binanggit ng aktres na labis niyang hinahangaan ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta na nakasama rin niya sa “Ang Probinsyano.”
“Shawie! Kung inaakala ng iba na (kasi) ganu’n siya kayaman, ganu’n siya kataas hindi. Siya mismo ang bababa sa lugar mo para i-entertain ka, para kaibiganin ka. Saka ‘yung tao na ‘yun pag ayaw niya sa ‘yo, ayaw niya sa ‘yo! Pero pag nagustuhan ka niya ay sobra naman talaga,” paglalarawan ni Rosanna sa aktres at singer.
Bukod kina Coco at Sharon ay ipaglalaban din niya ang nag-iisang Superstar na si Ms. Nora Aunor, “Siyempre ninang (sa kasal nila ni Blessy) ko ‘yun!” saad ng aktres.
Tanong ni Morly kung anong meron kay Nora at naging idol din niya ito, “Kasi naranasan ko ‘yung kabaitan niya! Kuwento ng ibang tao (mabait si Ate Guy), ako first hand naranasan ko talaga kung gaano siya kabait. Palibhasa Gemini (zodiac sign) rin kagaya ko, given na ‘yung magaling (artista) siya.
“Ako naman naawa ako kay ate Guy kasi nawalan siya ng kabataan,” say pa ni Osang.
Dagdag pa, “Saan ka nakakita na natutulog na (ate Guy) may fans pang nakasilip sa kuwarto?”
Ano naman ang pinaka-ayaw ni Osang sa isang tao? “Mapangmata, mayayabang na walang pakinabang. Mga hindi marunong lumingon sa pinanggalingan nila, at ayaw ko rin ‘yung mareklamo, imbes na magreklamo, solusyon ang isipin mo,” diretsong sabi ng aktres.
Nalaman din ni Morly na kabilang ang aktres sa sapiosexual at heliophile, “Ang sapiosexual ay ‘yung mga nai-in love sa mga matatalino. Tinitingnan sa isang tao ito (sabay turo sa sentido). Hindi importante ang looks. Ang heliophile naman ay taong mahilig sa sunlight,” paliwanag ng aktres.
Samantala, noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay inamin ni Osang na nagtinda-tinda siya ng ulam para kumita dahil nga walang raket ang mga artista noon dahil hininto ang shooting at taping.
“Natutunan ko noong pandemic walang mayaman, walang mahirap. Di ba, sumabay din ako nagtinda ako ng pagkain. Kailangan kasi nandoon ang pera.
“Kasi nu’ng pandemic ang mga kumita ‘yung mga online seller at hindi basta-basta masarap lang ang niluluto nila, sobrang sarap! Kasi nagpagalingan sila (sellers).
“Kung hindi masarap by word of mouth kakalat ‘yan, pero kung masarap tulad ng mga niluluto ko, kakalat din,” kuwento ng aktres.
Ang mga kadalasang ino-order kay Osang ay ang adobong pusi special at kaldereta.
“May araw lang like every Saturday, puro kaldereta kasi hindi ko kinaya lima (putahe) ang ginawa ko sa isang araw pero by 11 (umaga) tapos na ako. Si Blessy na ang nagdi-dispatch, so, doon ko nakita na, ‘ah malaking pera pala’ kaya sumasabay ako sa kanila (online sellers),” kuwento ng aktres.
Tanong ni Morly, saan natuto magluto si Osang? “Maliit pa ako nagluluto na ako, kilala naman ako sa showbiz magaling magluto,” kaswal nitong sagot.
In fairness, masarap talaga magluto si Rosanna dahil bago palang siya sa showbiz ay mahilig na siya talaga maglutu-luto noon pa at isa sa paborito namin ay ang sinaing na tulingan at isdang kinamatisan with kamyas.
Tinamaan din ng COVID noon si Osang, “Buti na lang omicron (virus) ‘yung tumama sa akin. Kasi may pinuntahan akong party na hindi kami allowed magparty-party kasi nga igaganu’n (swab test) kayo tapos pull-out. Sabi ko, tara raket tayo sayang ‘yung datung.
“May entablado, nahiritan akong kumanta, kanta naman ako tapos pinakanta ko ‘yung guest, (at iba pang naroon) tapos balik sa akin (mikropono), ‘yun na! E, lahat walang ganu’n facemask.
“Ang nakakatawa, si Onyok (anak niya) kasama ko rin sa Ang Probinsyano. Naka-quarantine na sila sa isang dorm. Sabi sa akin, ‘Ms O, positive ‘yung anak mo.’
“Para akong si Hudas, itinatwa ko siya! Sabi sa akin, ‘magkasama ba kayo sa bahay?’ Sagot ko ‘hindi ko kasama sa bahay ‘yan! Do’n ‘yan nakatira sa Esteban Abada,’ sabi ko.
“Kasi pag positive siya, hala hindi ako makaka-pull out. Made-delay ako ng (alis) ano, sayang ang datung kaya sabi ko hindi (ko kasama sa bahay). Sabi ko, ‘pauwiin n’yo na lang doon sa bahay niya.’
“Sabi ko kay Blessy padiretsuhin mo sa kuwarto ‘wag mo palalabasin naku delikado ako. Maya-maya nag-text sa akin, ‘Ms O pati ikaw po positive.’ Ha-hahahaha!
Kinatok daw niya si Onyok sa kwarto, “’Nyok, labas ka na diyan, pati ako positive! Kaming lahat pati si Blessy, pero ako ‘yung tinamaan nang husto, karma! Ha-hahaha!” balik-tanaw ng aktres.
Sa kasalukuyan ay wala pang bagong project si Osang sa telebisyon pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Laking pasalamat niya at napabilang siya sa serye ni Coco dahil nakatawid siya sa gastusin at nag-enjoy pa siya sa set lalo’t isang malaking pamilya silang lahat na naroon.
Huling movie project naman niya ay ang “Kahit Maputi na Ang Buhok Ko” na nakasama sa 1st Summer Metro Manila Film Festival mula sa Saranggola Media Productions.