Mariel magastos na raw bago pa maging senador si Robin: ‘Excuse me! Sobra kong sipag para sabihin n’yo na huwag akong mag-shopping!’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Mariel Rodriguez at Robin Padilla
“I BELIEVE na ‘yung mga babae dapat we have our own money, iba pa rin ‘yun,” ang pahayag ni Mariel Rodriguez-Padilla sa “lie detector test” interview sa kanya ni Bea Alonzo na in-upload nitong Sabado ng gabi.
Napag-usapan kasi ng dalawa ang ginagawang live selling ni Mariel bukod pa sa abala rin siya sa Cooking Ina Food Market business at isa si Bea sa nakatikim na ng produktong karne ng wifey ni Sen. Robin Padilla.
Tanong ni Bea, “So, sa inyo ni Robin, your money is your money and his money is his money?”
“In my head dapat his money is my money, tapos my money is my money, in my head ganu’n (natatawa) dapat kaya lang his money is everybody’s money, eh. So, dahil ang dami nu’ng everybody’s money kailangan meron ako ng own money ko kasi magastos ako! Aminado naman ako!” pahayag ni Mariel.
Alam ni Bea na mahilig sa luxury items si Mrs. Padilla na umoo naman kaya ang tanong ay kung pinipigilan ba siya ni Robin kung gusto nitong bumili ng Hermes or Chanel bag.
“Actually, nu’ng start when I got married to Robin sabi ko, ‘sige I don’t think I need to buy anymore’ tapos for some reason bumalik ulit ‘yung real me.
“Kasi nga for a time everytime na may bagong item he would say, ‘ah, you know that bag can feed ganito-ganito,’ so, may guilt na parang ‘oh my gosh.’ But eventually nawala ‘yung guilt (kasi) ang ganda nu’ng bag!” esplika ng nanay nina Isabella at Gabriella.
“E, kasi you like beautiful things,” sambit ni Bea na sinang-ayunan ni Mariel.
Pagpapatuloy ni Mariel, “Ito talaga it’s true, Robin will not give me money for luxury things, he will not! Hindi niya sasabihin na ‘o, ang mahal naman ng pagkain na binili mo.’ Hindi niya ako gaganunin sa mga bagay na ganu’n.
“Pero pagdating sa material things because si Robin ang t-shirt ay t-shirt. Ang t-shirt niya ay ‘yung ibinigay ng Kawasaki (sinang-ayunan din ni Bea), di ba?” aniya pa.
Dati raw noong may cologne endorsement si Binoe ay iyon parati ang ginagamit niya pero ngayong wala na ay ginagamit niya kung ano ‘yung mga ibinigay sa kanya.
“Pero ‘yung to buy? Hindi siya bibili. So, it works for us. I get to do my things kasi nga magastos ako and to fund my gastos (kailangang magtinda).
“Sabi ko nga gusto kong maging Madam! Yes, gusto kong maging madam and I feel that I have to make a madam out of myself. Walang magpapa-madam sa akin but myself,” paulit-ulit na sabi ni Mariel kay Bea.
“Paano ba maging madam?” tanong naman ng dalaga na ikinatawa nang husto ni Mariel.
Natanong ulit na dahil politiko si Robin ay bawal magpshopping o mag-travel ang asawa dahil baka may masabi lalo’t nauuso ngayon ang sinasabing ginagamit ang pondo ng gobyerno.
“Excuse me! Sobra kong sipag para sabihin n’yo sa akin na huwag akong mag-shopping, huh! At saka bago pa siya maging senador nagsa-shopping na po ako!” pagpapaalala ni Mariel sa publiko.
Naikuwento rin na noong nagbakasyon sila sa El Nido, Palawan ay hindi nakasama si Sen. Robin dahil may pasok pa ito sa senado kaya ito raw ang isa sa adjustment ni Mariel na hindi nila nakakasama sa mga lakaran ang kanilang padre de pamilya.
Pero kapag may oras naman ay nakakasama ang aktor-politiko at nangyari ito sa Japan. Dito nga bumawi nabg husto si Robin sa mga anak nila ni Mariel.
Ang isa raw sa nangyayari ngayon kapag kasama nila si Binoe at kakain sa restaurant ay bibigyan sila ng private room, “May mga ganu’n perks pero hindi naman namin iyon hinihingi. ‘Yung mga people ibinibigay nila kasi parang natutuwa sila, that’s not really Robin kaya ‘yung buhay niya completely nag-change,” pagtatapat ni Ma (palayaw ni Mariel).
Tawang-tawa rin si Bea sa tsika ni Mariel na nag-aaway din sila ni Robin na umaabot sa limang araw, “Nag-uusap kami pag tungkol sa mga bata pero hindi kami nagtitinginan. Hindi kami nagsisigawan that’s for sure.
“‘Yung away namin nagagawa sa text (messages). Kunwari ‘yung sinasabi mong cool-off, bina-block ko siya, bina-block niya ako, nagbablakan kami, ganu’n. Pag galit na galit ako block ko siya” pag-amin ni Mariel.
Inamin din niya na kailangan niyang mag-adjust sa mga anak ng asawa niya pero kay Camille (nanay niya si Lea Orosa) ay hindi, sa iba lang daw.
“Kasama talaga ‘yun because I was entering a family that was already there. Di ba ang asawa napapalitan, ang mga anak hindi? I can stand my ground to everybody else but when it comes to Robin’s children, I always have to take that step na ako ‘yung mag-a-adjust sa kanila because those are his children,” sabi ni Mariel.
At ang pangarap niya sa dalawang anak na sina Isabella at Gabriella, “Marami siyempre as a mom you want them to be good people. Kung ano ‘yung gusto nila I will support them (will not impose what to do). Because I was supported (too). Kung ano ‘yung gusto ko I was able to become it. So, I will let my kids to experience that also and I know they’ll make mistakes it’s part of it and I will just be here.”
Inamin din ni Mariel na mula nang maging nanay siya ay bumait na siya at ayaw na niyang madagdagan ang dalawang bagets dahil masaya at kuntento na siya.
Sa tanong kung kaugali niya si Isabella na mini-Mariel, “yes! ‘Yung mga anak ko, mukha silang Padilla pero ang arte nila, akong-ako to the max! “
Natatawa si Bea sa mga sagot sa kanya ni Mariel at sinabi rin ng una na kamukha rin ng dalawang bata ang mga ate nila tulad ni Kylie Padilla na ipinakita pa ang larawan nito sa vlog.
“Sabi nga nila, thank you because they’re so beautiful. Robin’s children, they’re all so beautiful walang pangit,” nakangiting sabi ni Mariel.