Chad Kinis na-bully nang bonggang-bongga dahil sa kanyang face: ‘May nagsa-suggest na magpa-derma ako, pero…’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
MC Muah, Chad Kinis at Lassy Marquez
KUNG may isang komedyante at vlogger na gustung-gusto namin, yan ay walang iba kundi ang isa sa mga miyembro ng Beks Battalion na si Chad Kinis.
Kaya naman super happy kami nang mabalitaan naming hindi lang siya bida sa launching movie nila nina Lassy Marquez at MC Muah na “Beks Days of Our Lives” kundi siya rin ang direktor nito.
Sinabi ni Chad Kinis o Richardson dela Cruz sa tunay na buhay, pangarap daw niya ang makapagdirek din someday kaya nang sabihin ng mga bossing ng Viva Entertainment na siya na ang magdidirek ng pelikula ng Beks Battalion ay talagang hindi siya makapaniwala.
Sa panayam ng press, naikuwento niya kung bakit Chad Kinis ang kanyang screen name, “E kasi nga po, hindi makinis ang balat ko, e. Pero okay lang dahil d’yan naman ako nakilala.
“May nagsa-suggest na magpa-derma ako para pakinisin ang balat ko, pero wala sa isip ko yan. Minahal naman ako ng followers ko sa hitsura kong ito, so okay na ‘yan.
“And also, I believe sa saying na beauty is only skin deep. Makinis ka nga on the outside pero ang kalooban mo naman, hindi, so mas mabuti na ‘yung malinis ka inside,” katwiran ng komedyante at direktor.
Knows n’yo ba na nabiktima rin ng pambu-bully si Chad nang dahil sa kanyang itsura, lalo na raw sa kanyang balat.
“But I didn’t allow it to affect me. What they tell me, pasok sa isang tenga, labas sa kabila. So pangit ang skin ko, di ginamit ko ‘yung material sa pagko-comedy,” aniya pa.
Kuwento ni Chad tungkol sa naging journey niya sa pagiging comedian, “Five years muna akong umikot sa pag-o-audition sa iba’t ibang comedy bars bago ako natanggap.
“Sabi nila, hindi ka marunong magpatawa, pangit ka, di ka magaling. So ‘yung panlalait nila sa akin, ginawa kong self-deprecating jokes at ‘yun, nagustuhan ng mga tao at nag-click sa kanila,” sabi pa ni Chad.
Mas pinatapang daw siya nang bonggang-bongga ng mga naranasang pambu-bully sa kanya, “Ang sarili kong ama, hindi matanggap na gay ako. And now, ulilang lubos na ako
“Magkasunod namatay ang mama ko when I was 17 at sumunod agad ‘yung papa ko, so I really have to be strong for myself. Kahit anong pambu-bully naman ang gawin sa iyo, you just have to be strong. Kasi sa kabila ng mga panlalait, life goes on,” lahad ni Chad.
Nagbunga naman ang lahat ng kanyang hirap at sakripisyo nang pumirma siya ng kontrata sa Viva Artists Agency six years ago, “Unang movie ko with them was ‘Tililing’. Then, nang mag-click ang vlogs namin, pinagsama kami nina Lassy at MC sa ‘Ang Manananggal na Nahahati ang Puso’.
“Isinali kami sa TV shows ng Viva and then binigyan kami ng sarili namin concert. Una, on line, tapos naging live na sa New Frontier Theatre na, awa ng Diyos, nag-hit naman kaya heto, may sarili na kaming movie,” kuwento pa ni Chad Kinis.
Nasulat namin dito sa BANDERA ang pagiging emotional ng komedyante sa presscon ng kanilang movie habang nagkukuwento sa friendship nila nina Lassy at MC.
‘Gusto ko talagang magpasalamat sa kanila kasi ang Beks Battalion is an unexpected family for me. Hindi ko inaasahang magiging ganito katatag ang samahan namin at isa na kaming pamilya kasi nasanay akong being alone for many years.
“Pero dahil sa kanila, I have a new family at mas nagkaroon ng direksyon ang buhay at career ko kasama sila. Hindi ko na makakalimutan ang kabaitan nila at lahat ng pagtulong nila sa akin. Hinila nila akong pataas and for that, I will forever be grateful,” sabi pa niya.
At tungkol naman sa pagiging direktor, “I really studied filmmaking kasi dream ko nga maging director. I gave all my best dito sa ‘Beks Days of Our Lives’ which will help viewers forget all their problems pati ang sobrang init ng summer natin ngayon.
“Tatawa kayo, pero hindi lang po ito comedy kasi may puso rin. So mata-touch kayo nang malaman naming isa sa amin, may terminal illness, and we bowed to make more good memories for the rest of our lives,” dagdag pa niyang pahayag.