‘Deserving pagmalasakitan, mahalin at ipanalangin ang panunumbalik ng kalusugan ni Kris’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Kris Aquino at Dindo Balares
NAKAKA-TOUCH at nakaka-inspire ang ibinahaging mensahe ng dating entertainment editor at malapit na kaibigan ni Kris Aquino na si Dindo Balares matapos itong magbigay ng update sa kanyang kalusugan.
Ayon kay Kuya Dindo na kasama pa rin namin sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), deserving ang Queen of All Media sa lahat ng natatanggap niyang pagmamahal at respeto na patuloy na ibinibigay sa kanya ng publiko.
Sa kanyang Facebook post, nagbahagi si Kuya Dindo ng mahabang mensahe para kay Kris kung saan ipinaliwanag niya kung bakit hanggang ngayon ay nananatiling solid ang pagmamahal at pagmamalasakit niya sa nanay nina Bimby at Joshua.
“MARAMING SALAMAT PO sa lahat ng malasakit, pagmamahal, at lalo na sa mga panalangin para sa tuluyang paggaling ni Kris,” ang simulang mensahe ng veteran writer at author para kay Tetay kalakip ang kanilang litrato.
“Masasabi ko — mula sa puso — na deserving pagmalasakitan, mahalin, at ipanalangin ang panunumbalik ng kanyang kalusugan.
“Nakasama ko si Kris sa maraming giyera sa buhay. Yes, life’s veterans na kami. Nakasama ko siya sa maraming ups and downs, sa mga kawanggawa (mas marami ang ayaw niyang ipasulat), sa mga pampamilyang okasyon, heart-to-heart talks tungkol sa lahat ng bagay sa balat ng lupa (pero kadalasang napapadpad sa faith, paboritong topic namin pareho), at sa mga pamorningang telebabad at chat na bagamat may iyakan ay mas marami ang bungisngisan. Kaya nakilala ko na ang tunay na Kris Aquino.
“Kung gaano siya kaganda, doble pa ang kariktan ng kanyang puso, visions at dreams na gusto pang matupad,” pagpapatuloy pa niya.
Dugtong ng tatay-tatayan ni Kris, “Hindi branding ang paborito niyang hearts at pink na kulay ng pagmamahal, ito ang pagkatao niya. Remember, Valentine’s Day siya isinilang. Pinangangatawanan niya ang pagiging love love love sa buhay ng mga taong nakapaligid sa kanya.
“Outlier si Kris, natatangi sa karamihan.
“Sa showbiz kung wala ka nang title o posisyon, wala nang papansin sa iyo, laos ka na. Pero nang mag-retire ako at bumalik sa pagiging farmer, may mahigpit siyang bilin: ‘Ang celfone… ‘wag mong io-off, please.’
“Isa sa graces sa buhay ko si Kris, karagdagang anak sa tatlo ko. As in karagdagang anak sa gawa, hindi lang sa salita. ‘You have treated me like your own that’s why you didn’t get the cleansed version,’ sabi niya nang ipadala sa akin ang lahat ng resulta ng medical examinations sa kanya bago umalis papuntang US last year.
“‘We may not see each other for a long time but i will always be call away,’ wika niya nang magpaalam.
“Baligtad, siya ang dapat kong i-comfort pero siya pa ang nagbigay ng assurance.
“Deserving si Kris sa lahat ng malasakit at pagmamahal na maibibigay ng mundong ito,” ang kabuuang mensahe ni Kuya Dindo kay Kris Aquino na umamin na nga sa tunay na relasyon nila ni Vice-Governor Mark Leviste.