Bandera Editorial
BONDAT na ang Mindanao sa mga balitang wang-wang mula sa imperyong Maynila (imperial Manila). Sa radyo, pahayagan at telebisyon, wang-wang sa umaga, tanghali’t gabi. Kaya naman, kahit paano, ay ginaya rin ng Mindanao ang imperyo. Pero, konti lang kung ikukumpara sa imperyo ang dami ng mga wang-wang. Kung sa imperyo’y nakatutulig ang wang-wang sa bawat baradong kanto, barangay lang ang meron nito sa ilang bayan sa Mindanao at natatakot pang magwang-wang sa liblib pagkagat ng dilim.
Hinahanap ng mga taga-Mindanao ang mababang presyo ng pagkain. Mataas na ang presyo ng asukal at nagbabantang itago na naman ito ng mga hunghang na negosyante. Inamin mismo ng kaluluklok na Agriarian Secretary Proceso Alcala na hindi malaki ang natitirang imbak na asukal sa buong bansa. Mahal rin ang harina. Mahal rin ang gas, krudo’t gaas. Mahal rin ang kuryente.
Mahal rin ng taga-Mindanao si P-Noy, kaya siya’y iniluklok sa Macanang. Pero, ganoon na lang ba (nasaan ang taal na Mindanaoan sa Gabinete?)?
“Kaya nga nang ako ay naging hantungan
ng mga salita nitong taumbayan
mula bata hanggang katanda-tandaan,
ay nakatalastas ng aking pangalan.”
–Dula-dulaan lang, hindi totohanan, Florante at Laura, Francisco Balagtas.
Dula-dulaan na lang ba ang gobyerno sa taga-Mindanao? Tuwiran ang tukoy ni Balagtas; kapag dula-dulaan ang gobyerno, hindi ito totoo.
“Kapag ang umuugit ng pamahalaan ay mangmang, sabihin mo sa akin kung ano ang nilalaman ng iyong ulo at sasabihin ko kung ano ang lagay ng iyong paa.”
–Pag-ibig sa bayan at kapakanang sarili, Noli Me Tangere, Jose Rizal.
Ang bulong ng hangin na nagtatanong: wang-wang na lang ba hanggang 2016?
Alam ng lahat na ang may kasalanan kung bakit naimpatso ang bansa sa wang-wang ay ang mga pulis at kawani ng Land Transportation Office na pakuyakuyakoy lang sa nagdaang mga dekada.
Ang sikmura ay kumakalam at di makakain ang wang-wang sa Mindanao.
Bandera, Philippine News, 070810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.