Emil Sumangil sanay na sanay na sa death threats, tinanggihan ang alok ng GMA na mag-hire ng bodyguard
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Emil Sumangil
BAHAGI na ng trabaho ng Kapuso news anchor at TV host na si Emil Sumangil ang mga natatanggap niyang death threats at iba pang uri ng mga pagbabanta sa kanyang buy.
Naniniwala si Emil na hindi na mawawala sa kanyang trabaho bilang tagapaghatid ng balita at pagseserbisyo publiko ang mga death threats mula sa iba’t ibang sector.
Ayon pa kay Emil, matagal na raw siyang inaalok ng mga bossing nila sa GMA Public Affairs na magkaroon ng bodyguard para na rin sa kanyang seguridad lalo na kapag nasa coverage siya.
“Ang death threat po, sa totoo lang, with all humility, normal na lamang ho. Katulad ho ngayon, ako ang nakatutok sa missing sabungeros story, sa kaso ho ng mga nawawalang sabungero.
“Sa akin na ho yan naka-assign at in-assign ng GMA so, bago ho tayo magsimula, ngayon lang, may binabasa ho akong message, galit na galit ho,” ang pahayag ng news anchor sa presscon ng bago niyang show sa GMA, ang “Resibo.”
“Galit na galit sa akin at kulang na lang e, kung ang mensahe niya ay nakamamatay ay matagal na ho siguro akong wala sa inyong harapan ngayon,” dagdag pa niyang pahayag.
May pagkakataon bang natakot siya sa pagbabanta sa kanyang buhay at meron ba siyang mga bodyguard?
“With all humility po ano, ilang beses na po tayong inalok ng kumpanya na bigyan ho ako ng security personnel, pero with all humility, tinatanggihan ko po!
“At sa totoo lang hindi naman ho ako dadalhin ng Diyos dito kung hahayaan Niya lang ho akong madisgrasya. Iyon ho yung paniniwala ko since then, at hanggang ngayon naman ho buhay pa naman ako,” paliwanag ni Emil.
Naikuwento rin ng veteran broadcaster na bago siya nagtrabaho sa GMA ay naging Kapamilya muna siya, “Ako po ay 18 years na sa GMA Network pero bago po ako maging empleyado ng channel 7 ako po ay tatlong taon ding nagsilbi sa ABS-CBN.
“Puro news po ito, news department po. Tapos, paglipat ko ho dito sa atin sa GMA Network bilang segment producer, dahan-dahan na pong umangat hanggang sa maging reporter na po sa night beat.
“Hanggang sa mabigyan ng pagkakataon na humalili noon kay Mr. Jiggy Manicad sa News TV Quick Response Team (QRT). Pagkatapos po dito sa QRT, after ng kainitan ho ng pandemya, nabigyan ho ako ng tsansa, ng pagkakataon na maging co-host po ng programa namang Dapat Alam Mo.
“Dito po sa pag-stay ko sa Dapat Alam Mo, last two months lamang ho, binigay na ho itong pagkakataon na ito, itong Resibo,” aniya pa na ang tinutukoy ay ang latest Kapuso public service TV show na maaaring pagsumbungan ng mga naagrabyado.