Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano at Boy Abunda
MAPAPANOOD sa Mother’s Day episode ng “Cayetano in Action with Boy Abunda” o CIA with BA ngayong May 14 ang mga panibagong problemang nangangailangan ng tulong.
Sangkot ngayong Linggo ay mga ina at kanilang anak. Nariyan ang magkapatid na senador na sina Alan Peter at Pia Cayetano, kasama ang King of Talk Boy Abunda sa pagbibigay payo at solusyon.
Sa unang kaso, tampok ang isang inang minsang umutang para sa pangangailangan ng anak niya at ngayon ay nagrereklamo dahil diumano’y tinatakasan siya sa pagbabayad.
Bukod dito, isinusumbong niya kung paano siyang pagsalitaan ng masakit at diumano’y pananakit din ng pisikal.
Matapos pakinggan ay hinimay ni Tito Boy Abunda ang problema bago idinulog sa magkapatid na Cayetano.
Tila hindi nagustuhan ni Sen. Pia ang narinig na kuwentong pambabastos ng anak sa ina at kanya itong napagsabihan.
Baka Bet Mo: Payo nina Boy, Alan at Pia sa mga nakasaksi ng pang-aabuso: ‘Stand up, magsumbong, ipaalam sa kinauukulan’
“Seven years kang may utang sa nanay mo! The least you can do is be nice to her,” emosyonal na panenermon ng senadora.
Bilang isang ina, ipinaliwanag niya sa anak ang obligasyon nito sa kanyang ina hindi lamang sa pagbabayad kundi pati na rin sa pagbibigay-respeto.
Nabalanse ang sitwasyon sa pagbibigay-payo ni Sen. Alan Peter na nagtanong sa mag-ina kung sila ay bukas sa pakikipag-ayos sa isa’t isa. Naging emosyonal ang dalawa sa nasabing tagpo.
Ang pangalawang kaso ay tungkol sa isang ina na naghahanap ng hustisya para sa anak niyang namatay sa pagkalunod.
Muling naging emosyonal ang diskusyon nang ibahagi ni Sen. Pia ang minsan ding pagkawala ng sariling anak.
Bukod sa emotional support sa inang humingi ng tulong, nagbigay din ng payo si Sen. Alan Peter sa maaaring gawin upang maisulong ang kaso at makamit ang hustisya.
Hindi magiging kumpleto ang episode kung hindi maipagdiriwang ang Mother’s Day. Binigyang-pugay ng mga host ang kanilang mga ina at si Senador Pia.
Abangan ang pagsalang ng senadora sa hot seat at pagsagot sa special edition ng “Fast Talk” questions ni Tito Boy. May sorpresa rin mula sa kanyang mga anak.
Dagdag-kasiyahan ang dulot ng Mariteam at “Alan, Pia, Pik!” segment sa programang nakakuha ng matataas na ratings sa mga nakaraang episode noong Season 1.
Iba’t ibang reaksyon din ng pagsuporta ang makikita sa social media gaya ng Twitter at Facebook.
“Very informative!,” paglalarawan ng isang viewer online.
“Sobrang solid nito! Sulit ang puyat bago mag-Lunes,” dagdag ng isa pa.
Mas kapana-panabik ang mga bagong episode ngayong Season 2 ng programa. Ang “CIA with BA ” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama nina Senador Alan Peter at Pia.
Ang nakatatandang Cayetano ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang Compañero y Compañera noong 1997 hanggang 2001.
Mapapanood ang “CIA with BA” tuwing Linggo, 11:30 p.m. sa GMA 7.
Boy Abunda, Alan Peter Cayetano ramdam na ramdam ang bigat ng kalooban ng mga nagrereklamo sa ‘CIA with BA’
Heaven Peralejo walang keber kung tawaging ‘sexy star’; Rein Entertainment pinaplano na ang part 2 at 3 ng ‘Nanahimik Ang Gabi’