MAKARAANG hirangin si Michelle Dee bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Universe pageant, kinoronahan na rin ang mga pambato ng bansa sa dalawa pang pandaigdigang patimpalak
Itinanghal bilang Miss Supranational Philippines si Pauline Amelinckx mula Bohol, habang Miss Charm Philippines naman si Krishnah Gravidez mula Baguio sa isang maikling programang isinagawa sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City, madaling-araw ng Mayo 14, pagkatapos ng pagtatanghal ng 2023 Miss Universe Philippines coronation show sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Mayo 13 ng gabi.
Kapwa bahagi ng Top 5 ng katatapos na national pageant sina Amelinckx at Gravidez, habang first runner-up naman si Christine Opiaza at second runner-up si Angelique Manto.
Empire Philippines ang may hawak ng prangkisa ng Pilipinas para sa Miss Supranational at Miss Charm pageants. Ang pinuno nitong si Jonas Gaffud din ang creative director ng Miss Universe Philippines Organization.
Ang 2023 Miss Universe Philippines pageant ang ikaapat na pagtatanghal ng hiwalay na patimpalak na pumipili sa kinatawan ng bansa sa Miss Universe pageant. Iginawad kay 2022 first runner-up Annabelle McDonnell ang titulong Miss Charm Philippines kalaunan.
Nagtapos din si McDonnell bilang first runner-up sa 2023 Miss Charm pageant, ang unang edisyon ng pandaigdigang patimpalak sa Vietnam.
Ito naman ang unang taon na ang Empire Philippines ang magpapadala ng kinatawan ng bansa sa Miss Supranational pageant. Babandera si Amelinckx sa edisyon ng pandaigdigang patimpalak ngayong 2023 na itatanghal sa Hulyo. Hinirang na rin ang katuwang niya sa Mister Supranational pageant, si Johannes Rissler, sa unang Mister Pilipinas Worldwide contest, na itinanghal din ng Empire Philippines.
Si Mutya Datul pa rin ang natatanging Pilipinang hinirang bilang Miss Supranational. Kinoronahan siya 10 taon na ang nakararaan. Samantala, hindi pa nakapagtatala ng panalo ang Pilipinas sa Mister Supranational contest.