Pasok na pasok pa rin sa next round ng pageant sina Michelle Marquez Dee, Makati; Pauline Amelinckx, Bohol; Klyza Ferrando Castro, Davao Oriental; Krishnah Marie Gravidez, Baguio; Christine Opiaza, Zambales; Jan Marie Bordon, Bacolod; Jannarie Zarzoso, Agusan del Norte; Rein Hillary Carrascal, Sorsogon; Airissh Ramos, Eastern Samar; Samantha Panlilio, Cavite.
Muling magpapatalbugan ang Top 10 finalists sa susunod na challenge at pagkatapos nito ay pipiliin na sa kanila ang Top 5 na siyang maglalaban-laban para sa huling round.
Sasabak na rin ang 10 kandidata sa question and answer portion ng pageant. As usual, ito na ang pinakaaabangan ng lahat dahil dito na nga masusubok ang bilis ng isip at ang kanilang galing sa pagsagot.
Isa ito sa pagkukunan ng puntos ng mga judges para malaman kung sino ang hihiranging Top 5 finalists na maglalaban-laban para malaman kung sino ang karapat-dapat na pumalit sa trono ni Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi.
Ito ang ikaapat na pagtatanghal ng hiwalay na pambansang patimpalak na pumipili sa kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe pageant.
Una itong isinagawa noong 2020, kung saan kinoronahan si Rabiya Mateo mula Iloilo City na nagtapos sa Top 21 ng pandaigdigang patimpalak.
Sumunod sa kanya si Beatrice Luigi Gomez na nagbalik sa bansa sa Top 5 ng contest.
Bitbit ngayon ng bagong reyna ang tungkuling mapanumbalik ang lakas ng Pilipinas sa Miss Universe pageant, makaraang maputol noong isang taon ang 12-taong sunod-sunod na pagpuwesto ng bansa.
Tatangkain din niyang maging ikalimang Pilipinang makapag-uuwi ng korona, kasunod nina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018).