SUPER excited na ang Kapamilya actor na si Joshua Garcia na mapanood ng madlang pipol ang bago niyang pelikula na idinirek ng award-winning filmmaker na si Chito Roño.
Ito ay ang horror-suspense na “Mga Kaibigan ni Mama Susan” kung saan kasama niya ang veteran actress na si Angie Ferro with Ricky Davao, Mon Confiado at Melissa Mendez.
Isa kami sa mga naimbitahan sa ginanap na celebrity at press screening para sa nasabing pelikula sa Gateway Cinema at in fairness, masasabi naming kakaibang horror movie ito na talagang mapapaisip at mapapatanong ka mula simula hanggang ending.
Grabe ang mga panggulat factor na inilagay ni Direk Chito sa “Mga Kaibigan ni Mama Susan” dahil ilang beses napasigaw ang mga nanood ng movie sa loob ng sinehan.
Habang pinanonood namin ang bagong obra ni Direk Chito ay hindi mawala ang naramdaman naming kaba dahil nga sa hindi namin mahulaan kung anu-ano ang susunod na mangyayari.
Ang kuwento ng pelikula ay ibinase sa hit novel ni Bob Ong kung saan gaganap si Joshua bilang estudyanteng si Gilberto “Galo” Manansala na babalik sa kanilang probinsya kung saan naninirahan ang kanyang lola na kilala bilang si Mama Susan na ginagampanan ni Angie Ferro.
Baka Bet Mo: Joshua Garcia certified ‘higop king’, Jodi Sta. Maria hindi nakaligtas
Sa pagtira niya sa bahay ni Mama Susan, isa-isa niyang madidiskubre ang nagaganap na misteryo sa pinuntahang isla kung saan malalagay sa panganib ang kanyang buhay. Dito rin niya malalaman kung sino talaga si Mama Susan.
In fairness, kering-keri pa rin ni Joshua ang bumida sa horror movie dahil nabigyan niya ng hustisya ang kanyang karakter na napakarami palang hugot at itinatagong sikreto sa kanyang buhay.
Bukod sa mga nakagugulat na eksena, ang talagang ikinaloka namin ay nang maghiyawan ang kanyang mga fans sa sinehan nang bigla siyang maghubad sa isang eksena at mag-topless. Ha-hahahaha!
Sabi ni Joshua, super happy siya na sa wakas ay mapapanood na ng publiko ang pinaghirapan nilang pelikula na sinimulan pa nila bago magkaroon ng pandemya.
“Ang laking pasasalamat ko rin kay Miss Angie Ferro, inalalayan niya ako sa mga eksena,” sabi pa ni Joshua patungkol sa veteran actress na hindi na nakadalo sa screening dahil sa kundisyon ng kanyang kalusugan.
Pero ang masasabi lang namin, talagang matatakot kayo sa karakter niya sa “Mga Kaibigan ni Mama Susan”, sa mga mata pa lang niya ay mararamdaman n’yo na ang kakaibang kilabot.
Mapapanood na simula sa May 18 ang “Mga Kaibigan ni Mama Susan” sa streaming app na Prime Video. Ayon kay Roselle Monteverde ng Regal Entertainment na siyang producer ng movie, nagdesisyon sila na huwag nang ipalabas sa sinehan ang bago nilang pelikula.
“Nagbago na rin ang panahon after ng pandemya. Marami nang mga hobbies ang mga tao. After the pandemic, parang mas gusto na lang nila ng mag-stay sa bahay. And during the pandemic, naging malakas talaga ang digital format.
“Kaya nasa isip ko, ang audience kasi nito, mas malawak. Hindi lang siya sa Pilipinas mapapanood. Kaya naisip din namin na mas nakakabuti dito sa pelikula namin na mapanood din sa ibang bansa,” sabi pa ng film producer.
Sabi naman ni Joshua, “Tulad nga ng sinabi ni Ms. Roselle, ang laki na ng ipinagbago ng mga tao pagkatapos ng pandemic. Hindi na sila masyado nasa sine. Mas gusto nila sa platform tulad ng Amazon Prime. Siguro easy access din kasi.
“Kahit nasa bahay ka, i-open mo lang yung TV o iPad mo, nandu’n, mapapanood mo na yung mga gusto mong pelikula. Dito with Prime Video, malaki rin ang pasasalamat ko kasi dito ipapalabas, tapos maraming makakapanood,” dagdag ni Joshua.
Kasama rin sa “Mga Kaibigan ni Mama Susan” sina Kelvin Miranda, Melissa Mendez, Patrick Quiroz, Miko Gallardo, Jewel Phiona Raymundo, Ynigo Delen at Soliman Cruz.
Related Chika:
Chito Roño napiling magdirek ng ‘Darna’ ni Jane, tuloy na ang taping sa Nobyembre