Lotlot de Leon sumugod sa NBI para ireklamo ang bashers ni Janine: ‘Masakit pala talaga kapag pinupulaan ‘yung anak, napakasakit!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Janine Gutierrez at Lotlot de Leon
TALAGA palang nagsumbong at humingi ng tulong ang award-winning actress na si Lotlot de Leon sa National Bureau of Investigation (NBI) para matunton ang mga bashers ni Janine Gutierrez.
Hindi na nakapagpigil si Lotlot sa mga taong nambabastos at nanlalait sa kanyang anak sa social media kaya naman nagpatulong na siya sa mga operatiba ng NBI.
Kuwento ng aktres sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” kahapon, nangyari ito noong siya pa ang tumatayong talent manager ni Janine na noo’y nagsisimula pa lamang gumawa ng kanyang sariling pangalan sa showbiz.
“Ini-screenshot ko lahat, pinrint ko lahat ng mga masasakit na salita sa anak ko through Twitter,” ang pahayag ni Lotlot kay Tito Boy.
Ang katwiran niya, “Gusto kong malaman kung sino ‘yung mga taong nagsasalita ng mga masasakit sa anak ko.
“Ganu’n ka-intense. Hindi nga yata alam ng anak ko ‘yun,” pagbabahagi pa ni Balot (palayaw ng aktres).
Ipinagdiinan niya na bilang isang ina, napakahirap din para sa kanya ang maging manager ni Janine. Hindi raw niya talaga mapigil na masaktan kapag nilalait at bina-bash ang kanyang anak.
Ngunit nang tumagal-tagal na, na-realize ni Lotlot na wala pala siyang dapat ipag-alala dahil napakatapang ng dalaga at kering-keri nitong harapin at laban ang mga isyung ibinabato sa kanya.
“I should also have more faith in my daughter, na kung anuman ‘yun, kung anuman ‘yung pagdaanan niya dito sa industriya, kakayanin niya,” sey pa ni Lotlot na napapanood gabi-gabi sa GMA Telebabad series na “The Write One” kung saan kasama niya ang ex-husband at tatay ni Janine na si Ramon Christopher.