Gown ni 2023 Miss Philippines Earth Yllana Marie Aduana may 5,000 perdible | Bandera

Gown ni 2023 Miss Philippines Earth Yllana Marie Aduana may 5,000 perdible

Armin P. Adina - April 30, 2023 - 12:24 PM

Bagong Miss Philippines Earth Yllana Marie Aduana

Bagong Miss Philippines Earth Yllana Marie Aduana/TOLEDO CITY PUBLIC INFORMATION OFFICE PHOTO

 

NAKASUOT si Yllana Marie Aduana ng isang gown na sexy nang makoronahan bilang 2023 Miss Philippines Earth. Ngunit maliban sa tabas nitong nagpalutang sa alindog niya, may kakaiba pa sa gown niya–kinabitan ito ng 5,000 perdible.

Ngunit hindi nilagay ang mga perdible dahil maluwag ito o sira ang zipper. Masusing ipinuwesto ang bawat isang perdible upang lumikha ng disenyong kalimitang ginagamitan ng beads o kristal.

Isa lang ito sa mga hakbang ni Aduana upang maging sustainable ang pananamit niya para sa Miss Philippines Earth pageant ngayong taon. Ilan nang mga karaniwang bagay ang ginamit niya para sa mga bonggang damit na ibinandera niya mula nang ipahiwatig ang pagbabalik sa pambansang patimpalak.

Nakapagsuot na siya ng mga damit na sexy na ginamitan ng shell ng tahong, “good morning” towel, sako, at iba pang mga bagay na hindi ginagamit para sa damit. Umani ito ng paghanga mula sa mga nakakita.

Bagong Miss Philippines Earth Yllana Marie Aduana

Bagong Miss Philippines Earth Yllana Marie Aduana/TOLEDO CITY PUBLIC INFORMATION OFFICE PHOTO

Sinabi ni Aduana na batid niyang malaki ang carbon footprint na iniiwan ng industriya ng fashion, at hindi ito tugma sa isinusulong ng pageant na pangangalaga sa kalikasan.

Tinatag ng Carousel Productions ang Miss Philippines Earth at ang Miss Earth pageant noong 2001 upang maging daan sa pagpapalaganap ng kamalayan sa kalikasan. Kumikilos ang mga reyna upang masagip ang daigdig sa pagkakawasak.

Nagbalik si Aduana sa Miss Philippines Earth pageant mula nang unang sumalang sa virtual edition noong 2021 at nagtapos bilang runner-up. Ngayong taon, mas handa siya at higit na determinado, hindi lamang dahil sa mga isinusuot niya, kundi sa pamamagitan din ng mas malawig na mga proyektong ipinatupad sa bayan niya ng Siniloan sa Laguna.

Dinaig niya ang 28 iba pang kalahok para sa titulo sa kumpetisyong itinanghal sa Toledo City noong Abril 29, at tinanggap ang korona mula kay Jenny Ramp. Ngayon, naghahanda na siya para sa mas malaking entablado, ang 2023 Miss Earth pageant na gagawin sa Vietnam ngayong taon.

Tatangkain ni Aduana na igiit ang posisyon ng Pilipinas bilang pinakamahusay na bansa sa pandaigdigang patimpalak, at maging ikalimang Pilipinang makasusungkit sa korona bilang Miss Earth, kasunod nina Karla Henry (2008), Jamie Herrell (2014), Angelia Ong (2015), at Karen Ibasco (2017).

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending