Miss Philippines Earth delegates nagpatalbugan sa Bukidnon
DALAWANG gabing nagningning ang lalawigan ng Bukidnon dahil sa pagbandera doon ng mga kandidata ng 2023 Miss Philippines Earth pageant sa magkakahiwalay na palatuntunang nirampahan ng lahat ng 29 kalahok ng patimpalak.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ni Yllana Marie Aduana mula Siniloan, Laguna, na nakasungkit ng tatlong parangal mula sa dalawang palatuntunan. Nakuha niya ang gintong medalya sa swimsuit competition na itinanghal sa Municipal Plaza ng Talakag noong Abril 19, at hinirang din bilang Miss Philippines Earth-Talakag noong gabing iyon din.
Nanguna rin siya sa “Creative Wings” competition para sa Banog-Banog Festival na itinanghal sa Manolo Fortitch Gymnasium noong Abril 18, kung saan inirampa ng mga kandidata ang mga pakpak na nilikha ng bawat isa sa mga barangay sa bayan ng Manolo Fortitch, ang unang munisipalidad na kinilala bilang kanlungan ng Philippine Eagle. Pumangatlo naman doon si Mythosela Villanueva mula Laguindingan, Misamis Oriental.
Para sa swimsuit competition sa ikalawang gabi ng mga kandidata sa lalawigan, nasungkit ni Sha’uri Livori mula sa pamayanang Pilipino ng Melbourne, Australia, ang medalyang pilak, habang tanso naman ang tinanggap ni Kerri Reilly mula sa Mangatarem, Pangasinan.
Maliban sa espesyal na titulo ni Aduana bilang Miss Philippines Earth-Talakag, limang titulo pa para sa lima pang bayan sa unang distrito ng Bukidnon ang iginawad sa pagtatanghal ng swimsuit competition noong Abril 19.
Hinirang din si Livori bilang Miss Philippines Earth-Manolo Fortitch, Miss Philippines Earth-Malitbog naman si Reilly. Miss Philippines Earth-Libona si Cristina Tallador mula Iloilo City, Miss Philippines Earth-Baungon si Naoimi Henave mula Dasmariñas City, at Miss Philippines Earth-Sumilao si Queenzel Alacio mula Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Pumasyal din ang mga kandidata sa Golda’s Place, isang ecotourism destination sa bayan ng Malitbog, kung saan sila napalapit pa sa kalikasan, at nagpahayag ng pagmamahal sa daigdig sa pamamagitan ng pagpipinta.
Bumisita rin ang mga kandidata sa bayan ng Sumilao, at sa Dahilayan Adventure Park at iba pang mga lugar sa bayan ng Manolo Fortich.
Nasa ika-23 taon na ngayon ang Miss Philippines Earth pageant na nagsusulong sa kapakanan ng kalikasan. Kumikilos ang mga reyna nito upang mapangalagaan ang daigdig. Itinatanghal ito ng Carousel Productions na siya ring nagdaraos ng taunang Miss Earth pageant kung saan lumalaban ang pambansang reyna.
Nagtapos sa Top 20 ng 2022 Miss Earth pageant si reigning queen Jenny Ramp, na magsasalin ng korona niya bilang Miss Philippines Earth sa tagapagmanang hihirangin sa coronation program sa Toledo, Cebu, sa Abril 29. Kakatawanin ng bagong reyna ang Pilipinas sa 2023 Miss Earth pageant sa Vietnam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.