Yllana Marie Aduana ‘super ready’ na sa tungkulin bilang Miss Philippines Earth
PINUNTAHAN ni Yllana Marie Aduana lahat ng 20 barangay sa bayan niya ng Siniloan sa lalawigan ng Laguna upang magtanim ng puno ng niyog bilang hudyat ng kampanya niya sa Miss Philippines Earth pageant. At para sa kanya, sinasagisag din ng hakbang na ito ang tema ng pambansang patimpalak ngayong taon na “ME (Miss Earth) Loves 20TREE.”
Ngunit sinabi ng licensed medical laboratory scientist na hindi lang pagtatanim ng puno ang kaya niyang gawin. “I’m super ready to offer myself to them (the pageant organization),” tugon niya nang tanungin ng Inquirer kung bakit siya bumalik sa Miss Philippines Earth pageant sa pagharap niya sa ilang kawani ng midya sa Luxent Hotel sa Quezon City kamakailan.
Una siyang sumalang sa pambansang entablado sa ikalawang virtual edition ng patimpalak na isinagawa noong 2021, at nagtapos bilang runner-up. Mula noon, dalawa pang pageant ang sinalihan niya. Kinoronahan siyang 2021 Miss FIT (face, intelligence, tone), at nagtapos sa Top 12 ng 2022 Binibining Pilipinas pageant kung saan din siya hinirang bilang “Face of Binibini” (Miss Photogenic).
“Miss Philippines Earth is really my first love. You know the saying, ‘the heart wants what it wants.’ So this is the time now,” ani Aduana. Ibinahagi pa niya, tinipon niya ang pangkat niya makaraang makoronahan ang mga reyna noong 2021 at hinayag ang pagnanais na bumalik balang araw. “We are going to go back to Miss Philippines Earth because this is really where my heart is,” sinabi umano niya sa pangkat niya.
“I could have chosen to join a pageant where I’m very much comfortable. But I chose this one because I am just hardworking, and I’m very much committed. I feel like those qualities that I have speak so much about the Miss Philippines Earth, and the organization is in need of a woman, a queen, who has the same qualities,” pagpapatuloy pa ni Aduana.
At ilang araw na lang bago koronahan ang bagong reyna, humakot na ng mga pagkilala ang anak ng Siniloan—Darling of the Press, nagkagintong medalya sa Swimsuit Competition, pumangatlo sa Talent Competition, nanguna sa “Creative Wings” competition, Miss Philippines Earth-Talakag, Miss Cellumina, Chooks to Go “Manok ng Bayan,” Miss Ecooter, at isa sa 10 “Hana Beauties” na naglalaban para sa “Miss Hana Shampoo” award.
Sinabi ni Aduana na kung magiging mapalad siyang masungkit ang koronang pinakaasam niya, magiging “effective, hardworking, committed, passionate, and purposeful” Miss Philippines Earth siya, na “hindi mapapagod kahit anong ipagawang activity.”
Makakalaban niya ang 28 iba pang kandidata sa 2023 Miss Philippines Earth coronation night sa Toledo City Sports Center (Megadome) sa Toledo City sa lalawigan ng Cebu sa Abril 29, alas-6 ng gabi. Mapapanood ang livestream nito sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng patimpalak, at may delayed telecast sa A2Z sa Abril 30, alas-10 ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.