Mga kandidato ng Mister Pilipinas Worldwide contest sumailalim na sa pagsasanay
KAPAPAKILALA pa lang ng Mister Pilipinas Worldwide contest sa mga kandidato nila para sa unang edisyon ngayong taon, ngunit sumailalim na ang mga kalahok sa serye ng mga pagsasanay na sumaklaw sa iba’t ibang paksa at aspeto.
Pinangunahan ng mismong national director ng patimpalak, si 2022 Manhunt International first runner-up Joshua de Sequera, ang runway training ng mga kandidato. Para naman sa napakahalagang question-and-answer round, tumanggap sila ng mga payo mula sa abogadong si Nad Bronce na humasa rin sa ilan sa pinakamahuhusay na babaeng international titleholders mula sa Pilipinas.
Dalawampung kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mula sa pamayanang Pilipino ng Estados Unidos ang kasali sa unang edisyon ng pambansang patimpalak na naghahanap ng mga kinatawan ng Pilipinas para sa ilan sa pinakaprestihiyosong pandaigdigang paligsahan para sa kalalakihan.
Upang ihanda pa sila para sa pandaigdigang entablado, nagsagawa ang organizers ng obstacle course training. “They’re building the physical and mental strength needed to compete on a global stage, determined to showcase their resilience and strength,” sinabi ng Mister Pilipinas Worldwide organization.
Nagkaroon din ng “media training” ang mga kandidato sa ilalim ni Miss Universe Philippines Director of Communications Voltaire Tayag. “Many young individuals have little to no media exposure when they enter pageants, so it can be quite daunting to be suddenly thrust into the limelight. Media training prepares them for the onslaught of media attention from both mainstream and social media,” sinabi niya sa Inquirer sa isang online interview.
“It’s equally important to know what to say and what not to say. Reminding them of the importance of striking a balance between being who they are but also being professional in their interviews and postings as they are representatives of the organization and sponsors. It’s about teaching them how best to present themselves,” pagpapatuloy niya.
Umaasa si Tayag na mapakikinabangan ng mga kandidato ang mga pagsasanay kahit sa labas ng entablado. “In the short term, I hope it makes them shine during the pageant. More importantly, I hope it motivates them to be better people who win in life,” ipinaliwanag niya.
Sinabi niyang “refreshing” na makarinig ng mga lalaking naihahayag ang mga saloobin nang maayos, may lalim at saysay. “The Mister Pilipinas Worldwide candidates also have very inspirational stories to tell. I loved how funny and candid some were in answering questions. They were very grateful for the insights I shared with them. They are also very eager to learn how they could improve their onstage performance,” ibinahagi ni Tayag.
Hihirangin sa 2023 Mister Pilipinas Worldwide contest, ang unang edisyon ng pambansang kumpetisyon, ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas para sa Manhunt International Male Supermodel, Mister Supranational, at Mister Global pageants.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.